13. Tinupad nila Tatenai na gobernador, Shetar Bozenai, at ng mga kasama nila ang utos ni Haring Darius.
14. Kaya patuloy na nagtrabaho ang mga tagapamahala ng mga Judio habang pinapalakas sila ng mga mensahe ng mga propeta na sina Hageo at Zacarias na anak ni Iddo. Natapos nila ang templo ayon sa utos ng Dios ng Israel na ipinatupad nina Cyrus, Darius, at Artaserses, na magkakasunod na mga hari ng Persia.
15. Natapos ang templo nang ikatlong araw ng ika-12 buwan, na siyang buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Darius.
16. Masayang nagdiwang sa pagtatalaga ng templo ng Dios ang mamamayan ng Israel – ang mga pari, mga Levita, at ang iba pang bumalik galing sa pagkabihag.
17. Sa pagtatalagang ito ng templo ng Dios, naghandog sila ng 100 toro, 200 lalaking tupa, at 400 batang lalaking tupa. Naghandog din sila ng 12 lalaking kambing bilang handog sa paglilinis ng bawat lahi ng Israel.
18. Itinalaga nila ang mga pari at mga Levita sa kani-kanilang tungkulin sa templo ng Jerusalem ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises.
19. Nang ika-14 na araw ng unang buwan, nang sumunod na taon, ipinagdiwang ng mga bumalik galing sa pagkabihag ang Pista ng Paglampas ng Anghel.
20. Nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang sarili para maging karapat-dapat sila sa pangunguna nila sa mga seremonya. Pagkatapos, kinatay ng mga Levita ang mga tupang handog sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Ginawa nila ito para sa lahat ng bumalik galing sa pagkabihag, para sa mga paring kamag-anak nila, at para sa sarili nila.