11. “Ito po ang sagot nila sa amin: ‘Mga lingkod kami ng Dios ng langit at lupa, at muli naming ipinapatayo ang templo na itinayo noon ng isang makapangyarihang hari ng Israel.
12. Ngunit dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Dios sa langit, pinabayaan niya sila na sakupin ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Giniba ni Nebucadnezar ang templong ito at binihag niya sa Babilonia ang aming mga ninuno.
13. Ngunit sa unang taon ng paghahari ni Haring Cyrus sa Babilonia, nag-utos siya na muling ipatayo ang templo ng Dios.
14. Ibinalik din niya ang mga kagamitang ginto at pilak ng templo ng Dios. Ang mga ito ay kinuha noon ni Nebucadnezar sa templo ng Jerusalem at inilagay sa templo sa Babilonia. Ipinagkatiwala ni Haring Cyrus ang mga kagamitang ito kay Sheshbazar na pinili niyang gobernador ng Juda.
15. Sinabi ng hari kay Sheshbazar na muling ipatayo ang templo ng Dios sa Jerusalem sa dati nitong pinagtayuan, at ilagay doon ang mga kagamitan nito.