Ezra 4:1-15 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Nabalitaan ng mga kaaway ng mga taga-Juda at taga-Benjamin na muling ipinapatayo ng mga bumalik galing sa pagkabihag ang templo ng Panginoon, ang Dios ng Israel.

2. Kaya pumunta sila kay Zerubabel at sa mga pinuno ng mga pamilya, at nagsabi, “Tutulungan namin kayo sa pagpapatayo ng templo dahil sinasamba rin namin ang Dios nʼyo kagaya ng ginagawa ninyo. Matagal na kaming naghahandog sa kanya, mula pa noong panahon ni Haring Esarhadon ng Asiria na siyang nagdala sa amin dito.”

3. Ngunit ito ang sagot nina Zerubabel, Jeshua, at ng mga pinuno ng mga pamilya: “Inutusan kami ni Haring Cyrus ng Persia na muling ipatayo ang templo. Ngunit hindi kayo kasama sa pagpapatayo nito para sa aming Dios. Kami lang ang magpapatayo nito para sa Panginoon, ang Dios ng Israel.”

4. Kaya pinahina ang loob at tinakot ng mga taong dati nang nakatira sa lupaing iyon ang mga tao sa Juda para hindi nila maipagpatuloy ang pagpapagawa nila ng templo.

5. Sinuhulan nila ang mga opisyal ng gobyerno ng Persia para salungatin ang mga plano ng mga tao sa Juda. Patuloy nila itong ginagawa mula nang panahon na si Cyrus ang hari ng Persia hanggang sa panahong si Darius na ang hari ng Persia.

6. Nang maging hari si Ahasuerus, ang mga kalaban ng mga naninirahan sa Jerusalem at ng iba pang mga nakatira sa Juda ay sumulat ng mga paratang laban sa kanila.

7. At kahit na noong si Artaserses na ang hari ng Persia, sumulat din sila sa kanya. Sila ay sina Bishlam, Mitredat, Tabeel, at ang iba pa nilang mga kasama. Isinulat nila ito sa wikang Aramico at isinalin ito sa wika ng mga taga-Persia.

12. “Mahal na Hari, gusto po naming malaman nʼyo na muling ipinapatayo ng mga Judio ang lungsod ng Jerusalem. Ang mamamayan nito ay masasama at rebelde. Dumating ang mga ito sa lungsod mula sa mga lugar na inyong nasasakupan. Inaayos na nga nila ang mga pader pati na po ang mga pundasyon nito.

13. Mahal na Hari, kapag muli pong naipatayo ang lungsod na ito at naayos na ang mga pader nito, hindi na magbabayad ng mga buwis at ng iba pang bayarin ang mga tao, at liliit na ang kita ng kaharian.

14. “Dahil nga po may tungkulin kami sa inyo, Mahal na Hari, at hindi namin gustong mapahiya kayo, ipinapaalam namin ito sa inyo

15. para saliksikin po ninyo ang kasulatang itinago ng mga ninuno ninyo. Sa ganoong paraan, malalaman nʼyo po na ang mga nakatira sa lungsod ng Jerusalem ay rebelde mula pa noon. Kaya nga nilipol ang lungsod na ito dahil naging problema ito ng mga hari at ng mga lugar na gustong sumakop dito.

Ezra 4