16. Ang mga makakaligtas sa kamatayan at tatakas papunta sa mga bundok ay iiyak doon na parang huni ng kalapati, dahil sa kani-kanilang kasalanan.
17. Manghihina ang mga kamay nila at mangangatog ang kanilang mga tuhod.
18. Magsusuot sila ng damit na sako at aahitin ang kanilang buhok para ipahayag ang kanilang pagdadalamhati. Takot at kahihiyan ang makikita sa mukha nila.
19. Itatapon nila sa mga lansangan ang mga pilak at ginto nila na parang maruruming bagay. Hindi sila maililigtas ng mga ito sa araw na ipadama ko ang aking poot. Hindi rin nila ito makakain para mabusog sila dahil ito ang dahilan kung bakit sila nagkasala.
20. Ipinagmamalaki nila ang mga naggagandahan nilang hiyas na siyang ginamit nila para gumawa ng mga kasuklam-suklam na dios-diosan. Kaya gagawin kong marumi ang mga bagay na ito para sa kanila.
21. Ipapasamsam ko ito sa masasamang dayuhan at dudungisan nila ito.
22. Pababayaan kong lapastanganin nila at nakawan ang aking templo. Papasukin at lalapastanganin ito ng mga magnanakaw.
23. “Bibihagin ang aking mga mamamayan dahil puro patayan at puno ng kaguluhan ang kanilang lungsod.
24. Ipakakamkam ko sa mga masasamang bansa ang mga bahay nila. Tatapusin ko ang pagmamataas ng kanilang mga makapangyarihang tao, at ipalalapastangan ko ang mga sambahan nila.
25. Darating sa kanila ang takot at maghahanap sila ng kapayapaan pero hindi nila ito matatagpuan.
26. Darating sa kanila ang sunud-sunod na panganib at masasamang balita. Magtatanong sila sa mga propeta, pero wala silang matatanggap na kasagutan. Magpapaturo sila sa mga pari at hihingi ng payo sa mga tagapamahala, pero hindi sila tuturuan at papayuhan.
27. Magdadalamhati ang hari at mawawalan ng pag-asa ang mga tagapamahala niya. Ang mga taoʼy manginginig sa takot. Parurusahan ko sila ayon sa kanilang pamumuhay. Hahatulan ko sila kung paano nila hinatulan ang iba. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”