Ezekiel 7:14-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Kahit na hipan pa nila ang trumpeta para ihanda ang lahat sa pakikipaglaban, wala ring pupunta sa labanan, dahil mararanasan ng lahat ang galit ko.

15. “Ang sinumang lalabas ng lungsod ay mamamatay sa digmaan. Ang mananatili naman sa loob ng lungsod ay mamamatay sa sakit at gutom.

16. Ang mga makakaligtas sa kamatayan at tatakas papunta sa mga bundok ay iiyak doon na parang huni ng kalapati, dahil sa kani-kanilang kasalanan.

17. Manghihina ang mga kamay nila at mangangatog ang kanilang mga tuhod.

18. Magsusuot sila ng damit na sako at aahitin ang kanilang buhok para ipahayag ang kanilang pagdadalamhati. Takot at kahihiyan ang makikita sa mukha nila.

19. Itatapon nila sa mga lansangan ang mga pilak at ginto nila na parang maruruming bagay. Hindi sila maililigtas ng mga ito sa araw na ipadama ko ang aking poot. Hindi rin nila ito makakain para mabusog sila dahil ito ang dahilan kung bakit sila nagkasala.

20. Ipinagmamalaki nila ang mga naggagandahan nilang hiyas na siyang ginamit nila para gumawa ng mga kasuklam-suklam na dios-diosan. Kaya gagawin kong marumi ang mga bagay na ito para sa kanila.

21. Ipapasamsam ko ito sa masasamang dayuhan at dudungisan nila ito.

22. Pababayaan kong lapastanganin nila at nakawan ang aking templo. Papasukin at lalapastanganin ito ng mga magnanakaw.

23. “Bibihagin ang aking mga mamamayan dahil puro patayan at puno ng kaguluhan ang kanilang lungsod.

Ezekiel 7