10. “Malapit na ang araw ng pagpaparusa. Darating na ang kapahamakan. Sukdulan na ang kasamaan at kayabangan ng mga tao.
11. Ang kalupitan nilaʼy babalik sa kanila bilang parusa sa kasamaan nila. Walang matitira sa kanila, pati ang lahat ng kayamanan nila ay mawawala.
12. Oo, malapit na ang araw ng pagpaparusa. Hindi na ikatutuwa ng mga mamimili ang naitawad nila at hindi na rin malulungkot ang mga naluging nagbebenta, dahil mararanasan ng lahat ang galit ko.
13. Kung may mga nagbebenta mang makakabawi, hindi na sila makakabalik sa pagtitinda dahil ang mga sinabi ko tungkol sa buong bansa ng Israel ay hindi na mababago. Hindi maililigtas ng bawat gumagawa ng kasamaan ang kanyang buhay.
14. Kahit na hipan pa nila ang trumpeta para ihanda ang lahat sa pakikipaglaban, wala ring pupunta sa labanan, dahil mararanasan ng lahat ang galit ko.
15. “Ang sinumang lalabas ng lungsod ay mamamatay sa digmaan. Ang mananatili naman sa loob ng lungsod ay mamamatay sa sakit at gutom.
16. Ang mga makakaligtas sa kamatayan at tatakas papunta sa mga bundok ay iiyak doon na parang huni ng kalapati, dahil sa kani-kanilang kasalanan.
17. Manghihina ang mga kamay nila at mangangatog ang kanilang mga tuhod.
18. Magsusuot sila ng damit na sako at aahitin ang kanilang buhok para ipahayag ang kanilang pagdadalamhati. Takot at kahihiyan ang makikita sa mukha nila.