1. Sinabi sa akin ng Panginoon,
2. “Anak ng tao, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi sa bansang Israel, ‘Ito na ang katapusan ng buong lupain ng Israel.
3. Katapusan na ninyo, dahil ipadarama ko na ang galit ko. Hahatulan ko kayo ayon sa pamumuhay ninyo at pagbabayarin ko na kayo ayon sa lahat ng kasuklam-suklam na ginawa ninyo.
4. Hindi ko na kayo kahahabagan. Hahatulan ko kayo sa inyong pamumuhay at sa inyong kasuklam-suklam na ginawa, para malaman ninyo na ako ang Panginoon.’
5. “Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Darating sa inyo ang sunod-sunod na kapahamakan.
6. Ito na ang wakas! Ang katapusan ninyo,
7. kayong mga nakatira sa lupain ng Israel. Dumating na sa inyo ang kapahamakan. Malapit na ang oras na magkakagulo kayo. Tapos na ang maliligayang araw ninyo sa mga kabundukan.
8. Hindi magtatagal at ipadarama ko na sa inyo ang matindi kong galit. Hahatulan ko kayo ayon sa pamumuhay ninyo, at pagbabayarin ko kayo sa mga kasuklam-suklam na ginawa ninyo.
9. Hindi ko kayo kahahabagan. Pagbabayarin ko kayo ayon sa inyong pamumuhay at sa mga kasuklam-suklam na ginawa ninyo. At ditoʼy malalaman ninyong ako, ang Panginoon, ang nagparusa sa inyo.
10. “Malapit na ang araw ng pagpaparusa. Darating na ang kapahamakan. Sukdulan na ang kasamaan at kayabangan ng mga tao.