23. Ito naman ang mga lupaing tatanggapin ng ibang mga lahi: Ang lupain ng lahi ni Benjamin ay nasa gawing timog ng lupain ng mga pinuno, at ang lawak ay mula sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel.
24. Katabi ng lupain ng lahi ni Benjamin sa gawing timog ay ang lahi ni Simeon at ang haba nito ay mula sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel.
25-27. Ang susunod pang mga bahagi ay sa lahi nina Isacar, Zebulun at Gad, na ang haba ay pawang mula sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel.
28. Ang hangganan sa timog ng lupaing para sa lahi ni Gad ay magsisimula sa Tamar patungo sa bukal ng Meribat Kadesh hanggang sa Lambak ng Egipto patungo sa Dagat ng Mediteraneo.
29. Ito ang mga lupaing tatanggapin ng mga lahi ng Israel na kanilang mamanahin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
30-34. Ang lungsod ng Jerusalem ay napapalibutan ng pader. Sa bawat panig nito ay may tatlong pintuan. Ang tatlong pintuan sa gawing hilaga ng pader ay tatawaging Reuben, Juda, at Levi. Ang tatlong pintuan sa gawing silangan ay tatawaging Jose, Benjamin at Dan. Ang tatlong pintuan sa gawing timog ay tatawaging Simeon, Isacar at Zebulun. At ang tatlong pintuan sa gawing kanluran ay tatawaging Gad, Asher, at Naftali. Ang bawat pader sa ibaʼt ibang panig ay 2,250 metro ang haba.
35. Kaya ang kabuuang haba ng pader ay 9,000 metro. At mula sa araw na iyon, ang lungsod ay tatawaging, “Naroon ang Panginoon!”