Ezekiel 48:16-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

16. na ang luwang ay dalawang kilometro sa gawing kanluran, dalawang kilometro sa gawing silangan, dalawang kilometro sa gawing hilaga, at dalawang kilometro rin sa gawing timog.

17. Napapaikutan ito ng bakanteng bahagi na 125 metro ang luwang sa kanluran, silangan, hilaga, at sa timog.

18. Sa labas ng lungsod ay may bukid na ang haba ay limang kilometro sa gawing silangan at limang kilometro rin sa gawing kanluran. Katabi ito ng banal na lupa. Ang mga ani mula sa bukid na ito ay magiging pagkain ng mga nagtatrabaho sa lungsod

19. na mula sa ibaʼt ibang lahi ng Israel. Maaari silang magtanim sa lupang ito.

20. Kaya ang kabuuan ng lupaing ibibigay ninyo sa Panginoon bilang natatanging handog pati na ang banal na lupa at ang lungsod ay 12 kilometro kwadrado.

21-22. Ang natitirang lupain sa gawing silangan at kanluran ng banal na lupain at ng lungsod ay para sa pinuno. Ang mga lupaing ito ay may luwang na 12 kilometro na umaabot hanggang sa hangganan sa silangan at kanluran. Kaya sa gitna ng lupain na para sa pinuno ay ang aking banal na lugar, ang templo, ang lupain ng mga Levita, at ang bayan. Ang lupaing para sa pinuno ay nasa gitna ng lupain ng lahi ni Juda at ng lahi ni Benjamin.

23. Ito naman ang mga lupaing tatanggapin ng ibang mga lahi: Ang lupain ng lahi ni Benjamin ay nasa gawing timog ng lupain ng mga pinuno, at ang lawak ay mula sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel.

Ezekiel 48