Ezekiel 47:9-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. At kahit saan ito dumaloy, marami nang isda at iba pang nabubuhay sa tubig ang mabubuhay dahil pinapasariwa nito ang maalat na tubig.

10. Marami nang mangingisda sa Dagat na Patay mula sa En Gedi patungo sa En Eglaim. Dadami ang ibaʼt ibang uri ng isda sa Dagat na Patay katulad ng Dagat ng Mediteraneo. Ang tabing-dagat ay mapupuno na ng mga pinatutuyong lambat.

11. Ngunit ang mga latian sa palibot ng Dagat na Patay ay mananatiling maalat para may makuhanan ng asin ang mga tao.

12. Tutubo sa magkabilang panig ng ilog ang ibaʼt ibang uri ng punongkahoy na namumunga. Ang mga dahon nitoʼy hindi malalanta at hindi mauubos ang mga bunga. Mamumunga ito sa bawat buwan dahil dinadaluyan ito ng tubig mula sa templo. Ang mga bunga nitoʼy pagkain, at ang dahon ay gamot.”

13. Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Ito ang mga hangganan ng mga lupaing paghahati-hatiin ng 12 lahi ng Israel bilang mana nila. Bigyan ninyo ng dalawang bahagi na mamanahin ang lahi ni Jose.

14. Pantay-pantay ang gawin ninyong paghahati-hati ng lupain, dahil ipinangako ko sa mga magulang ninyo na ibibigay ko ito sa kanila para manahin ninyo.

15. Ito ang mga hangganan:“Ang hangganan sa hilaga ay mula sa Dagat ng Mediteraneo papuntang Hetlon, sa Lebo Hamat sa Zedad,

16. sa Berota, sa Sibraim, na nasa hangganan ng Damascus at ng Hamat hanggang sa Haser Haticon na nasa hangganan ng Hauron.

17. Kaya ang hangganan sa hilaga ay magsisimula sa Dagat ng Mediteraneo hanggang sa Hazar Enan, na nasa hangganan ng Damascus at ng Hamat sa hilaga.

18. “Ang hangganan sa silangan ay mula sa hangganan ng Hauran at Damascus papuntang Ilog ng Jordan (sa pagitan ng Gilead at ng Israel) patungo sa Dagat na Patay hanggang sa Tamar. Ito ang hangganan sa silangan.

Ezekiel 47