Ezekiel 45:1-7 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Sinabi pa ng Panginoon, “Kapag pinaghati-hati nʼyo na ang lupain para sa bawat lahi ng Israel, bigyan ninyo ako ng parte na 12 kilometro ang haba at sampung kilometro ang luwang. Ang lupaing ito ay ituturing na banal.

2. Ang bahagi nito na 875 talampakan na parisukat ang siyang pagtatayuan ng templo, at sa paligid ng templo ay may bakanteng bahagi na 87 talampakan ang luwang.

3-4. Ang kalahati ng parte kong lupain na 12 kilometro ang haba at limang kilometro ang luwang ay ibubukod ko para sa mga paring naglilingkod sa akin sa templo. Pagtatayuan ito ng mga bahay nila at ng templo na siyang pinakabanal na lugar.

5. Ang natirang kalahati na 12 kilometro ang haba at 5 kilometro ang luwang ay para sa mga Levita. Sila ang magmamay-ari nito at dito sila maninirahan.

6. “Sa katabi ng lupa na para sa akin, magbukod din kayo ng lupang 12 kilometro ang haba at 3 kilometro ang luwang. Ito ang gawin ninyong lungsod, na maaaring tirahan ng sinumang Israelita na gustong tumira roon.

7. Bibigyan din ng dalawang bahagi ng lupain ang pinuno ng Israel. Ang isang bahagi ay nasa gawing kanluran ng hangganan ng lupaing para sa akin at ng lupaing gagawing lungsod papunta sa Dagat ng Mediteraneo, at ang isa ay mula sa hangganan sa silangan papunta sa Ilog ng Jordan. Ang hangganan nito sa silangan at sa kanluran ay pantay sa hangganan ng lupaing ibinahagi sa mga lahi ng Israel.

Ezekiel 45