Ezekiel 44:17-28 Ang Salita ng Dios (ASND)

17. Kapag pumasok sila sa daanan patungo sa bakuran sa loob ng templo, kinakailangang magbihis sila ng damit na gawa sa telang linen. Hindi sila dapat magsuot ng anumang damit na gawa sa lana habang naglilingkod sa bakuran sa loob o sa loob ng templo.

18. Kinakailangang magsuot din sila ng turban na gawa sa telang linen at magsuot ng pang-ilalim na damit na gawa rin sa telang linen. Hindi sila dapat magsuot ng anumang makapagpapapawis sa kanila.

19. At kapag lumabas na sila sa bulwagan sa labas na kinaroroonan ng mga tao, kinakailangang hubarin muna nila ang mga damit na ginamit nila sa paglilingkod at ilagay doon sa banal na silid, at saka sila magsuot ng pangkaraniwang damit para hindi mapinsala ang mga tao sa kabanalan nito.

20. “Hindi rin sila dapat magpakalbo o magpahaba ng buhok, dapat lagi silang magpagupit.

21. Hindi rin sila dapat uminom ng alak kung pupunta sa loob na bakuran ng templo.

22. Hindi sila dapat mag-asawa ng biyuda o ng hiwalay sa asawa. Ang kunin nilang asawa ay kapwa Israelita o biyuda ng kapwa nila pari.

23. Tuturuan nila ang mga mamamayan ko kung alin ang banal at hindi banal, kung alin ang malinis at hindi malinis.

24. Kapag may alitan, ang mga pari ang hahatol batay sa mga kautusan ko. Kinakailangang sundin nila ang mga utos ko at mga tuntunin tungkol sa mga pistang itinakda kong sundin, at dapat nilang ituring na banal ang Araw ng Pamamahinga.

25. Huwag nilang dudungisan ang sarili nila sa pamamagitan ng paghipo sa bangkay, maliban lang kung ang namatay ay kanyang ama o ina, anak o kapatid na wala pang asawa.

26. Kapag nakahipo siya ng bangkay, kailangan niya ang paglilinis at maghintay ng pitong araw,

27. bago siya makapasok sa bakuran sa loob ng templo at mag-alay ng handog sa paglilinis para sa kanyang sarili. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

28. Sinabi pa ng Panginoon, “Walang mamanahing lupa ang mga pari ng Israel, dahil ako ang magbibigay ng mga pangangailangan nila.

Ezekiel 44