13. Mula ngayon, hindi ko na sila papayagang maglingkod sa akin bilang pari. Hindi rin sila papayagang humipo man lang ng aking mga banal na bagay o makapasok sa Pinakabanal na Lugar. Kinakailangan nilang magtiis ng kahihiyan dahil sa kasuklam-suklam nilang ginawa.
14. Gagawin ko na lang silang mga katulong sa lahat ng gawain sa templo.
15. “Ngunit ang mga paring Levita na mula sa angkan ni Zadok na naging tapat sa paglilingkod sa akin sa templo nang tumalikod ang mga Israelita ay patuloy na makapaglilingkod sa akin. Sila ang maghahandog sa akin ng taba at dugo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
16. Sila lang ang maaaring pumasok sa templo ko at makalalapit sa aking altar upang maglingkod sa akin. At sila lang din ang pwedeng mamamahala sa pagsamba sa templo.
17. Kapag pumasok sila sa daanan patungo sa bakuran sa loob ng templo, kinakailangang magbihis sila ng damit na gawa sa telang linen. Hindi sila dapat magsuot ng anumang damit na gawa sa lana habang naglilingkod sa bakuran sa loob o sa loob ng templo.
18. Kinakailangang magsuot din sila ng turban na gawa sa telang linen at magsuot ng pang-ilalim na damit na gawa rin sa telang linen. Hindi sila dapat magsuot ng anumang makapagpapapawis sa kanila.
19. At kapag lumabas na sila sa bulwagan sa labas na kinaroroonan ng mga tao, kinakailangang hubarin muna nila ang mga damit na ginamit nila sa paglilingkod at ilagay doon sa banal na silid, at saka sila magsuot ng pangkaraniwang damit para hindi mapinsala ang mga tao sa kabanalan nito.