Ezekiel 40:35-44 Ang Salita ng Dios (ASND)

35. Pagkatapos, dinala ako ng tao sa daanan sa hilaga. Sinukat niya ang daanang ito at katulad din ito ng iba.

36. May mga silid din ito na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay. Ang luwang ng mga silid na ito, at ang mga pader sa gitna, pati ang mga balkonahe ay katulad din ng iba. May mga bintana rin ito sa paligid ng daanan. At ang haba ng daanan ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan.

37. Ang balkonahe nito ay nakaharap sa bakuran sa labas, at may mga palamuting puno ng palma na nakaukit sa pader. May walong baitang pataas sa daanang ito.

38. Pagkatapos, may nakita akong silid na may pintuan, sa tapat ng balkonahe sa daanang nasa hilaga. Doon sa silid na iyon hinuhugasan ang mga handog na sinusunog.

39. Sa magkabilang panig ng balkonahe ay may dalawang mesa na pinagkakatayan ng mga hayop na handog na sinusunog, handog sa paglilinis at handog na pambayad ng kasalanan.

40. Mayroon pang dalawang mesa sa magkabilang tabi ng hagdan bago umakyat sa daanan sa hilaga.

41. Kaya walong lahat ang mesa na pinagkakatayan ng mga handog. Apat sa balkonahe at apat sa tabi ng daan.

42. Mayroon ding apat na mesa roon na gawa sa tinapyas na bato. Doon inilalagay ang mga kagamitan na pangkatay ng hayop na handog na sinusunog, at iba pang mga handog. Itoʼy 20 pulgada ang taas, ang luwang at haba ay parehong 30 pulgada.

43. Sa palibot ng dingding ng balkonahe ay may mga sabitan na tatlong pulgada ang haba. At naroon sa mga mesa ang mga karneng ihahandog.

44. May dalawang silid doon sa bakuran sa loob. Ang isa ay nasa tabi ng daanan sa hilaga, nakaharap sa timog at ang isa naman ay nasa tabi ng daanan sa timog, nakaharap sa hilaga.

Ezekiel 40