1-2. Noong ikasampung araw ng unang buwan, nang ika-25 taon ng aming pagkabihag at ika-14 na taon mula nang wasakin ang Jerusalem, nilukuban ako ng kapangyarihan ng Panginoon at ipinakita sa akin ang isang pangitain. Sa pangitaing iyon, dinala niya ako sa mataas na bundok ng Israel. Nang tumingin ako sa timog ay may nakita akong parang isang lungsod.
3. Dinala ako roon ng Panginoon at may nakita akong isang tao na ang mukha ay parang kumikinang na tanso. Nakatayo siya malapit sa pintuan ng bayan at may hawak na panukat. Ang isa ay lubid na gawa sa telang linen at ang isa ay kahoy.
4. Sinabi sa akin ng taong iyon, “Anak ng tao, makinig ka at tingnan mong mabuti ang ipapakita ko sa iyo dahil ito ang dahilan kung bakit kita dinala rito. Pagkatapos, sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel ang lahat ng nakita mo.”
5. Nakita ko ang templo na napapaligiran ng pader. Kinuha ng tao ang panukat niyang kahoy, na ang haba ay sampung talampakan, ayon sa umiiral na sukatan ay sinukat niya ang pader. Sampung talampakan ang taas nito at ganoon din ang kapal.
6. Pagkatapos, pumunta ang tao sa daanan sa templo na nakaharap sa silangan. Umakyat siya sa mga baitang at sinukat niya ang pasukan ng daanan, at sampung talampakan ang luwang nito.
7. Sa bawat gilid ng daanang ito ay may tatlong silid na may guwardyang nagbabantay. Ang bawat silid na itoʼy may sukat na sampung talampakan ang haba at ganoon din ang luwang, at ang kapal ng pader sa pagitan ay walong talampakan. Sa kabila ng mga silid ay may daanang papunta sa balkonahe na nakaharap sa templo. Ang daanang ito ay sampung talampakan din ang haba.
10. Ang tatlong silid na kinaroroonan ng mga bantay ay pare-pareho ang luwang at ang mga pader sa pagitan nito ay pare-pareho rin ang kapal.
11. Sinukat din ng tao ang taas ng daanan papunta sa bakuran sa labas at itoʼy 22 talampakan. Ngunit ang taas ng pintuan nito ay 17 talampakan.
12. Sa harap ng bawat silid na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay ay may mababang pader na 20 pulgada ang taas at 20 pulgada rin ang kapal. At ang mga silid na itoʼy sampung talampakan ang haba at ganoon din ang luwang.
13. Pagkatapos, sinukat ng tao ang luwang ng daanan papunta sa bakuran sa labas, at itoʼy 42 talampakan. Ang sukat nitoʼy mula sa likod ng pader ng kwartong kinaroroonan ng guwardyang nagbabantay, papunta sa kabilang pader ng silid ding iyon.
14. Sinukat niya ang pader mula sa pintuan papunta sa bulwagang nakaharap sa bakuran sa labas, at 100 talampakan ang haba nito.
15. Ang haba naman ng daanan mula sa pintuan hanggang sa dulo ng bulwagan ay 85 talampakan.
16. May maliit na bintana sa bawat silid, kung saan naroon ang nagbabantay at sa pader sa gitna ng mga silid. Ang mga pader na ito ay may palamuting nakaukit na puno ng palma.
17. Pagkatapos, dinala ako ng tao sa bakuran sa labas ng templo. Nakita ko roon ang 30 silid na nakahilera sa daanang bato na nakapaikot sa bakuran.