Ezekiel 40:10-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Ang tatlong silid na kinaroroonan ng mga bantay ay pare-pareho ang luwang at ang mga pader sa pagitan nito ay pare-pareho rin ang kapal.

11. Sinukat din ng tao ang taas ng daanan papunta sa bakuran sa labas at itoʼy 22 talampakan. Ngunit ang taas ng pintuan nito ay 17 talampakan.

12. Sa harap ng bawat silid na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay ay may mababang pader na 20 pulgada ang taas at 20 pulgada rin ang kapal. At ang mga silid na itoʼy sampung talampakan ang haba at ganoon din ang luwang.

13. Pagkatapos, sinukat ng tao ang luwang ng daanan papunta sa bakuran sa labas, at itoʼy 42 talampakan. Ang sukat nitoʼy mula sa likod ng pader ng kwartong kinaroroonan ng guwardyang nagbabantay, papunta sa kabilang pader ng silid ding iyon.

14. Sinukat niya ang pader mula sa pintuan papunta sa bulwagang nakaharap sa bakuran sa labas, at 100 talampakan ang haba nito.

15. Ang haba naman ng daanan mula sa pintuan hanggang sa dulo ng bulwagan ay 85 talampakan.

16. May maliit na bintana sa bawat silid, kung saan naroon ang nagbabantay at sa pader sa gitna ng mga silid. Ang mga pader na ito ay may palamuting nakaukit na puno ng palma.

17. Pagkatapos, dinala ako ng tao sa bakuran sa labas ng templo. Nakita ko roon ang 30 silid na nakahilera sa daanang bato na nakapaikot sa bakuran.

18. Ang daanang bato na ito sa bandang ibaba ay umaabot hanggang sa gilid ng mga daanang papasok sa bakuran. Ang lawak ng daanang bato ay kapantay ng haba ng mga daanang iyon.

19. Pagkatapos, sinukat ng tao ang layo mula sa daanang papasok sa bakuran sa labas ng templo hanggang sa daanang papunta sa loob ng bakuran ng templo at ang layo ay 170 talampakan.

20. Pagkatapos, sinukat ng tao ang haba at taas ng daanan sa hilaga. Ang daanang ito ay papunta sa labas ng patyo.

21. Ang bawat gilid ng daanan ay may tatlo ring silid na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay. Ang luwang ng mga silid na ito at ang pader sa pagitan, pati ang mga balkonahe nito ay katulad din ng daanan sa silangan. Ang haba ng daanan sa hilaga ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan.

22. Ang mga bintana, balkonahe at palamuting palma ay katulad din ng nasa silangang daanan. May pitong baitang pataas sa daanan at may balkonahe sa dulo nito.

23. Mayroon ding daanan papunta sa bakuran sa loob, sa gawing hilagang daanan katulad ng daanan sa silangan. Sinukat din ng tao ang layo ng dalawang daanan, at itoʼy 170 talampakan.

Ezekiel 40