1. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, magsalita ka laban kay Gog. Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Gog, kalaban kita, ikaw na pinuno ng Meshec at Tubal.
2. Paiikutin kita at hihilahin mula sa hilaga hanggang makarating ka sa bundok ng Israel.
3. Pagkatapos, kukunin ko ang mga armas mo,
4. mamatay ka at ang lahat ng sundalo mo, pati na ang mga bansang kasama mo roon sa bundok ng Israel. Ipapakain ko ang mga bangkay ninyo sa ibaʼt ibang uri ng ibong mandaragit at sa mababangis na hayop.
5. Mamamatay kayo sa kapatagan dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
6. “Susunugin ko ang Magog at ang mga katabi niyang bansa na malapit sa tabing-dagat, kung saan mamumuhay nang mapayapa ang mga mamamayan. At malalaman nila na ako ang Panginoon.
7. Ipapakilala ko sa mga mamamayan kong Israelita na banal ang pangalan ko, at hindi ko na papayagang lapastanganin ito. At malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel.
8. Sinasabi ko na darating ang araw na iyon. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
9. “Kapag dumating na ang araw na iyon, titipunin ng mga mamamayan ng Israel na nakatira sa mga bayan ang mga sandata ninyong pandigma. Ang malalaki at maliliit na kalasag, mga pana, palaso at sibat, at gagamitin nila itong panggatong sa loob ng pitong taon.
10. Hindi na nila kailangang mangahoy pa sa mga parang o kagubatan dahil may mga sandata silang pagdigma na gagawing panggatong. Sasamsaman din nila silang mga sumamsam sa mga ari-arian nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.