Ezekiel 38:17-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

17. Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Noong unang panahon, sinabi ko sa pamamagitan ng mga lingkod kong propeta ng Israel, na sa mga huling araw ay may sasalakay sa Israel. At ikaw ang tinutukoy ko noon.

18. Ngunit Gog, sa araw na iyon ay ito ang mangyayari sa iyo: Kapag sinalakay mo na ang Israel, labis akong magagalit. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

19. At sa tindi ng galit ko, isinusumpa kong yayanigin ko nang malakas na lindol ang lupain ng Israel.

20. Ang lahat ng tao at lahat ng hayop na lumalakad, lumilipad, gumagapang at nasa tubig ay manginginig sa takot sa akin. Guguho ang mga bundok at burol, at mawawasak ang mga pader.

21. At ikaw, Gog ay ipapapatay ko roon sa aking mga bundok, at ang mga sundalo mo ay magpapatayan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

22. Parurusahan kita at ang mga sundalo mo, pati ang mga bansang kasama mo. Parurusahan ko kayo sa pamamagitan ng salot at magpapatayan kayo sa isaʼt isa. Pauulanan ko kayo ng yelong parang bato at ng nagniningas na asupre.

23. Sa ganitong paraan ipapakita ko ang aking kapangyarihan at kabanalan sa lahat ng bansa. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”

Ezekiel 38