Ezekiel 38:1-9 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Sinabi sa akin ng Panginoon,

2. “Anak ng tao, humarap ka sa lupain ng Magog at magsalita ka laban kay Gog na pinuno ng Meshec at Tubal.

3. Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Gog, na pinuno ng Meshec at Tubal, kalaban kita.

4. Paiikutin kita at kakawitan ko ng kawil ang panga mo. Hihilahin kita kasama ang buong hukbo mo – ang iyong mga kabayo, armadong mangangabayo at ang napakarami mong sundalo na may malalaki at maliliit na kalasag at may mga espada.

5. Sasama sa kanila ang mga sundalo ng Persia, Etiopia at Libya na may mga kalasag at helmet,

6. kasama rin ang Gomer at Bet Togarma sa hilaga at ang lahat ng sundalo nila. Maraming bansa ang sasama sa iyo.

7. “Maghanda ka at ang lahat ng sundalo mo. Pamunuan mo sila sa pakikipagdigma.

8. Sapagkat darating ang araw na uutusan ko kayong salakayin ang Israel, na sa mahabang panahon ay naging mapanglaw dahil nawasak sa digmaan. Pero muli itong itinayo, at nakabalik na ang mga mamamayan nito mula sa mga bansa at namumuhay na nang payapa.

9. Ikaw at ang mga sundalo mo at ang sundalo ng mga kasama mong bansa ay sasalakay sa Israel na parang bagyo, at paliligiran ninyo ito na parang pinaligiran ng ulap.”

Ezekiel 38