Ezekiel 37:14-24 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Ibibigay ko sa inyo ang aking Espiritu at mabubuhay kayo. Patitirahin ko kayo sa sarili ninyong lupain. At malalaman nga ninyo na ako ang Panginoon na tumutupad ng aking pangako. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

15. Sinabi sa akin ng Panginoon,

16. “Anak ng tao, kumuha ka ng patpat at sulatan mo ito ng, ‘Ang kaharian ng Juda.’ Pagkatapos, kumuha ka ng isa pa at sulatan mo ito ng, ‘Ang kaharian ng Israel.’

17. Pagkatapos, pag-isahin mo ang dalawang patpat para isa lang ang hawak mo.

18. Kapag tinanong ka ng mga kababayan mo kung ano ang ibig sabihin nito,

19. sabihin mong, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoong Dios: Pagdudugtungin ko ang patpat na kumakatawan sa Israel at ang patpat na kumakatawan sa Juda. Magiging isa na lang sila sa kamay ko.’

20. “Pagkatapos, hawakan mo ang patpat na sinulatan mo para makita ng mga tao.

21. At sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoong Dios: Titipunin ko ang mga Israelita mula sa lahat ng bansang pinangalatan nila, at ibabalik ko sa sarili nilang lupain.

22. Gagawin ko silang isang bansa sa lupain ng Israel, at isang hari na lang ang maghahari sa kanila. Hindi na sila muling mahahati o magiging dalawang bansa o kaharian.

23. Hindi na nila dudungisan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsamba sa mga karumal-dumal na dios-diosan at paggawa ng anumang kasalanan, dahil ililigtas ko sila sa lahat ng pagkakasala nila. Lilinisin ko sila para maging mga mamamayan ko sila, at ako ang magiging Dios nila.

24. Paghaharian sila ng haring mula sa angkan ng lingkod kong si David. Isa lang ang magiging pastol nila. Susundin na nilang mabuti ang mga utos koʼt mga tuntunin.

Ezekiel 37