22. Kaya sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoong Dios, ako ang nagsasabi, ‘O mga mamamayan ng Israel, pinababalik ko na kayo sa lupain ninyo, hindi dahil karapat-dapat kayong pabalikin, kundi dahil sa banal kong pangalan na nilalapastangan dahil sa inyo, saan mang bansa kayo mapunta.
23. Ipapakita ko ang kabanalan ng marangal kong pangalan sa mga bansa kung saan nilapastangan ninyo ito. At malalaman ng mga bansang iyon na ako ang Panginoon kapag ipinakita ko sa kanila ang aking kabanalan sa pamamagitan ng gagawin ko sa inyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
24. Sapagkat kukunin ko kayo sa ibaʼt ibang bansa at pababalikin ko kayo sa sarili ninyong lupain.
25. Wiwisikan ko kayo ng malinis na tubig nang maging malinis kayo sa lahat ng karumihan ninyo at hindi na kayo sasamba sa mga dios-diosan.
26. Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. At ang matitigas ninyong puso ay magiging pusong masunurin.
27. Ibibigay ko rin sa inyo ang aking Espiritu para maingat ninyong masunod ang mga utos koʼt mga tuntunin.
28. Titira kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Magiging mga mamamayan ko kayo at magiging Dios ninyo ako.
29. Lilinisin ko kayo sa lahat ng karumihan ninyo. Bibigyan ko kayo ng napakaraming butil at hindi na kayo magugutom.
30. Pagbubungahin ko ng marami ang mga punongkahoy ninyo at pasasaganain ang mga ani ninyo para hindi na kayo hamakin ng mga taga-ibang bansa dahil sa dinanas ninyong gutom.
31. At maaalala ninyo ang inyong masasamang ugali at pamumuhay. Kasusuklaman ninyo ang inyong mga sarili dahil sa inyong mga kasalanan at kasuklam-suklam na ginawa.
32. Ngunit mga mamamayan ng Israel, gusto kong malaman ninyo na ang lahat ng itoʼy ginagawa ko hindi dahil sa inyo. Dapat ninyong ikahiya ang masasama ninyong pag-uugali. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.’ ”
33. Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kapag nalinis ko na kayo sa lahat ng kasalanan ninyo, patitirahin ko kayong muli sa lungsod ninyo, at muli ninyong itatayo ang mga bayan na nawasak.
34. Ang mga lupaing walang pakinabang noon ay bubungkalin na ngayon. At ang lahat ng makakakita nito
35. ay magsasabi, ‘Ang lupaing walang pakinabang noon, ngayon ay parang hardin na ng Eden. Ang mga lungsod na giba at mapanglaw noon, ngayon ay tinitirhan at napapaderan na.’