Ezekiel 35:1-10 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Sinabi sa akin ng Panginoon,

2. “Anak ng tao, humarap ka sa Bundok ng Seir at sabihin mo ito laban sa mga mamamayan niya.

3. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Kalaban ko kayo, mga taga-bundok ng Seir. Parurusahan ko kayo at magiging mapanglaw ang inyong lugar.

4. Magigiba at magiging mapanglaw ang mga bayan ninyo. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.

5. Matagal na kayong galit sa Israel, at pinabayaan lang ninyo silang salakayin sa panahon ng kanilang kagipitan, ang panahon na pinarurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan.

6. Kaya ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang ipapapatay ko kayo kahit saan kayo pumunta. Hahabulin kayo ng mamamatay-tao dahil pumatay din kayo.

7. Gagawin kong mapanglaw ang bundok ng Seir at papatayin ko ang lahat ng dumadaan dito.

8. Ang mga namatay sa inyo sa digmaan ay kakalat sa mga kabundukan, kaburulan, lambak at sa mga daluyan ng tubig.

9. Gagawin kong mapanglaw ang lugar ninyo magpakailanman. Wala nang titira sa mga bayan ninyo. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.

10. “Sinasabi ninyo na ang Juda at ang Israel ay magiging inyo, at aangkinin ninyo ito kahit ako, ang Panginoon, ay kasama nila.

Ezekiel 35