21. Noong ikalimang araw ng ikasampung buwan, nang ika-12 taon ng aming pagkabihag, may isang takas mula sa Jerusalem na lumapit sa akin at nagsabi, “Nawasak na po ang lungsod ng Jerusalem!”
22. Noong isang gabi, bago dumating ang taong iyon, nilukuban ako ng kapangyarihan ng Panginoon at muli akong nakapagsalita. Kaya nang dumating ang taong iyon kinaumagahan, nakapagsalita na ako.
23. Sinabi sa akin ng Panginoon,
24. “Anak ng tao, ang mga nakatira roon sa mga gibang lungsod ng Israel ay nagsasabi, ‘Iisa lang si Abraham, at sa kanya ibinigay ang buong lupain. Marami tayo, kaya tiyak na tayo ang magmamay-ari ng lupaing ito.’
25. Sabihin mo na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Inaakala ba ninyong kayo ang magmamay-ari ng lupaing iyon, kahit na kumakain kayo ng karneng may dugo, sumasamba sa mga dios-diosan ninyo at pumapatay ng tao?
26. Nagtitiwala kayo sa inyong espada, gumagawa kayo ng mga kasuklam-suklam na bagay, at nakikiapid. At sa kabila nitoʼy inaakala ninyong kayo ang magmamay-ari ng lupain?
27. “Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang kong mamamatay sa digmaan ang mga taong iyon na natirang buhay sa mga nagibang lungsod. Ang mga natira namang buhay sa mga bukid ay kakainin ng mababangis na hayop, at ang iba na nasa mga pinagtataguan nila at nasa mga kweba ay mamamatay sa sakit.
28. Gagawin kong mapanglaw ang lupain ng Israel at aalisin ko ang kapangyarihang ipinagmamalaki niya. Magiging mapanglaw kahit ang mga kabundukan niya at wala nang dadaan doon.
29. Kapag ginawa ko nang mapanglaw ang lupain dahil sa mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga naninirahan dito, malalaman nilang ako ang Panginoon.”
30. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pinag-uusapan ka ng mga kababayan mo kapag nagtitipon sila sa pader at sa pintuan ng bahay nila. Sinasabi nila sa isaʼt isa, ‘Halikayo, pakinggan natin si Ezekiel kung ano ang sasabihin niya mula sa Panginoon!’