Ezekiel 32:4-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Pagkatapos ay itatapon kita sa lupa, at ipapakain sa mga ibon at mga hayop sa gubat.

5. Ang laman mo ay ikakalat ko sa mga kabundukan at mga lambak.

6. Didiligan ko ng dugo mo ang lupain, gayon din ang kabundukan at padadaluyin ko ito sa mga dinadaluyan ng tubig.

7. Kapag napatay na kita nang tuluyan, tatakpan ko ang langit ng makapal na ulap, kaya mawawala ang liwanag ng mga bituin, ng araw at ng buwan.

8. Padidilimin ko ang lahat ng nagliliwanag sa langit. Kaya didilim sa buong lupain mo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

9. “Maguguluhan ang mga mamamayan ng mga bansang hindi mo kilala kapag winasak na kita.

10. Maraming tao ang matatakot sa gagawin ko sa iyo, pati ang mga hari nila ay manginginig sa takot. Manginginig ang bawat isa sa kanila kapag iwinasiwas ko sa harapan nila ang espada ko sa oras ng pagkawasak mo.

11. Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing lulusubin ka sa pamamagitan ng espada ng hari ng Babilonia.

12. Ipapapatay ko ang mga mamamayan mo sa pamamagitan ng espada ng mga makapangyarihang tao na siyang pinakamalupit sa lahat ng bansa. Lilipulin nila ang lahat ng tao sa Egipto at ang mga bagay na ipinagmamalaki ng bansang ito.

13. Papatayin ko ang lahat ng hayop sa Egipto na nanginginain sa tabi ng ilog. Kaya wala nang hayop o taong magpapalabo ng tubig nito.

14. Palilinawin ko ang tubig nito, at tuloy-tuloy itong aagos na parang langis. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

15. Kapag ginawa ko nang mapanglaw ang Egipto at nawasak ko na ang lahat, at kapag napatay ko na rin ang mga nakatira rito, malalaman nila na ako ang Panginoon.

16. “Ito ang panaghoy ng mga mamamayan ng mga bansa para sa Egipto at sa mga mamamayan nito. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

17. Noong ika-12 taon, nang ika-15 araw ng buwan ding iyon, sinabi sa akin ng Panginoon,

18. “Anak ng tao, magluksa ka para sa mga mamamayan ng Egipto at sa iba pang makapangyarihang bansa. Dahil ihuhulog ko sila sa kailaliman ng lupa kasama ng mga namatay na.

19. Sabihin mo sa kanila, ‘Nakakahigit ba kayo kaysa sa iba? Kayo rin ay ihuhulog doon sa ilalim ng lupa kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios

20. na nangamatay sa digmaan.’ Mamamatay ang mga taga-Egipto dahil nakahanda na ang espada ng mga kaaway na papatay sa kanila. Ang Egipto at ang mga mamamayan niya ay kakaladkarin papunta sa kapahamakan.

21. Buong galak silang tatanggapin ng mga makapangyarihang pinuno ng Egipto at mga kakampi niyang bansa roon sa lugar ng mga patay. Sasabihin nila, ‘Bumaba rin sila rito! Kasama na nila ngayon ang mga hindi naniniwala sa Dios na namatay sa digmaan.’

Ezekiel 32