17. “Anak ng tao, ginawa kitang bantay ng mga mamamayan ng Israel. Kaya ang anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila.
18. Kapag sinabi kong mamamatay ang taong masama, pero hindi mo siya binalaan o pinagsabihang lumayo sa kasamaan para maligtas, mamamatay ang taong iyon dahil sa kanyang kasalanan at pananagutan mo sa akin ang kamatayan niya.
19. Pero kung pinagsabihan mo siya at hindi siya lumayo sa kasamaan, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan, pero wala kang pananagutan sa akin.
20. Kapag ang taong matuwid ay tumalikod sa kanyang pagiging matuwid at hahayaan ko siya sa ganoong kalagayan, mamamatay siya. Kung hindi mo siya pinagsabihan, mamamatay nga siya dahil sa kanyang kasalanan at hindi ko aalalahanin ang kanyang mabubuting gawa. Pero pananagutan mo sa akin ang kanyang kamatayan.
21. Ngunit kung pinagsabihan mo siyang tumigil na sa pagkakasala at nakinig sa iyo, hindi siya mamamatay at wala kang pananagutan sa akin.”
22. Pinuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at sinabi niya sa akin, “Tumayo kaʼt pumunta sa kapatagan, dahil may sasabihin ako sa iyo roon.”
23. Kaya pumunta agad ako sa kapatagan at nakita ko ang makapangyarihang presensya ng Panginoon katulad ng nakita ko sa pampang ng Ilog ng Kebar at akoʼy nagpatirapa.
24. Pagkatapos, pinuspos ako ng Espiritu, pinatayo at sinabihan, “Umuwi ka at magkulong sa bahay mo!
25. Doon ay gagapusin ka ng lubid para hindi mo makasama ang mga kababayan mo.
26. Gagawin kitang pipi para hindi mo mapagsabihan ang mga rebeldeng mamamayang ito.
27. Pero sa oras na kausapin kita, makakapagsalita kang muli. At sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang mensahe ng Panginoong Dios.’ May mga makikinig sa iyo pero mayroon ding hindi makikinig dahil mga rebelde silang mamamayan.”