Ezekiel 3:14-24 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Binuhat ako ng Espiritu at dinala sa malayo. Masamang masama ang loob ko at galit na galit, pero tinulungan akong magtimpi ng Panginoon.

15. Nakarating ako sa Tel Abib, sa tabi ng Ilog ng Kebar, sa tinitirhan ng mga bihag. Nanatili ako roon sa loob ng pitong araw. Nabigla ako sa mga bagay na nakita ko.

16. Pagkatapos ng pitong araw, sinabi sa akin ng Panginoon,

17. “Anak ng tao, ginawa kitang bantay ng mga mamamayan ng Israel. Kaya ang anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila.

18. Kapag sinabi kong mamamatay ang taong masama, pero hindi mo siya binalaan o pinagsabihang lumayo sa kasamaan para maligtas, mamamatay ang taong iyon dahil sa kanyang kasalanan at pananagutan mo sa akin ang kamatayan niya.

19. Pero kung pinagsabihan mo siya at hindi siya lumayo sa kasamaan, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan, pero wala kang pananagutan sa akin.

20. Kapag ang taong matuwid ay tumalikod sa kanyang pagiging matuwid at hahayaan ko siya sa ganoong kalagayan, mamamatay siya. Kung hindi mo siya pinagsabihan, mamamatay nga siya dahil sa kanyang kasalanan at hindi ko aalalahanin ang kanyang mabubuting gawa. Pero pananagutan mo sa akin ang kanyang kamatayan.

21. Ngunit kung pinagsabihan mo siyang tumigil na sa pagkakasala at nakinig sa iyo, hindi siya mamamatay at wala kang pananagutan sa akin.”

22. Pinuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at sinabi niya sa akin, “Tumayo kaʼt pumunta sa kapatagan, dahil may sasabihin ako sa iyo roon.”

23. Kaya pumunta agad ako sa kapatagan at nakita ko ang makapangyarihang presensya ng Panginoon katulad ng nakita ko sa pampang ng Ilog ng Kebar at akoʼy nagpatirapa.

24. Pagkatapos, pinuspos ako ng Espiritu, pinatayo at sinabihan, “Umuwi ka at magkulong sa bahay mo!

Ezekiel 3