Ezekiel 29:12-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

12. Gagawin kong pinakamapanglaw na lugar ang Egipto sa lahat ng bansa. Ang mga lungsod niya ay magiging pinakamalungkot sa lahat ng lungsod sa loob ng 40 taon. At pangangalatin ko ang mga taga-Egipto sa ibaʼt ibang bansa.”

13. Pero sinabi rin ng Panginoong Dios, “Pagkalipas ng 40 taon, titipunin ko ang mga taga-Egipto mula sa mga bansang pinangalatan nila.

14. Muli ko silang ibabalik sa Patros sa gawing timog ng Egipto na siyang lupain ng kanilang mga ninuno. Pero magiging mahinang kaharian lang sila.

15. Sila ang magiging pinakamahina sa lahat ng kaharian at kahit kailan ay hindi na sila makakahigit sa ibang bansa dahil gagawin ko silang pinakamahinang kaharian. At hindi na sila makakapanakop ng ibang bansa.

16. Hindi na muling aasa sa kanya ang mga mamamayan ng Israel. Ang nangyari sa Egipto ay magpapaalala sa Israel ng kanyang kasalanan na paghingi ng tulong sa Egipto. At malalaman ng mga Israelita na ako ang Panginoong Dios.”

17. Noong unang araw ng unang buwan, nang ika-27 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon,

18. “Anak ng tao, ang mga sundalo ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay nakipaglaban sa mga sundalo ng Tyre hanggang sa makalbo sila, at magkapaltos-paltos na ang mga balikat nila sa paglilingkod pero wala ring nangyari. Hindi nakuha ni Nebucadnezar at ng mga sundalo niya ang Tyre.

19. Pero ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, ipapasakop ko ang Egipto kay Nebucadnezar na hari ng Babilonia. Sasamsamin niya ang lahat ng kayamanan ng Egipto bilang bayad sa mga sundalo niya.

20. Ibibigay ko sa kanya ang Egipto bilang gantimpala sa pagpapagal na ginawa niya at ng mga sundalo niya para sa akin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

21. “Ezekiel, sa oras na mangyari ito, muli kong palalakasin ang Israel. At malalaman ng mga Israelita na totoo ang sinabi mo. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”

Ezekiel 29