6. Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, dahil ang tingin mo sa sarili ay isa kang dios,
7. ipapalusob kita sa mga dayuhan, sa pinakamalulupit na bansa. Wawasakin nila ang naggagandahang ari-ariang nakuha mo sa pamamagitan ng iyong karunungan. At mawawala ang karangalan mo.
8. Masaklap ang magiging kamatayan mo, at ihahagis ka nila sa kailaliman ng karagatan.
9. Masasabi mo pa kayang isa kang dios, sa harap ng mga papatay sa iyo? Para sa kanila, tao ka lang at hindi dios.
10. Kaya mamamatay ka ng tulad ng kamatayan ng mga taong hindi naniniwala sa akin, sa kamay ng mga dayuhan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
11. May sinabi pa ang Panginoon sa akin,
12. “Anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Tyre. Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Noon, larawan ka ng isang walang kapintasan, puspos ng kaalaman at kagandahan.
13. Nasa Eden ka pa noon, sa halamanan ng Dios. Napapalamutian ka ng sari-saring mamahaling bato gaya ng rubi, topaz, esmeralda, krisolito, onix, jasper, safiro, turkois at beril. Napapalamutian ka rin ng ginto na inihanda para sa iyo noong araw ng kapanganakan mo.
14. Hinirang kita bilang kerubin na magbabantay sa banal kong bundok. Lumalakad ka sa gitna ng nagniningning na bato.
15. Walang maipipintas sa pamumuhay mo mula pa nang isinilang ka hanggang sa maisipan mong gumawa ng masama.
16. Ang pag-unlad mo sa pangangalakal ang naging dahilan ng pagmamalupit mo at pagkakasala. Kaya pinalayas kita sa aking banal na bundok; pinaalis kita mula sa nagniningning na mga bato.
17. Naging mayabang ka dahil sa kagandahan mo, at ang karunungan moʼy ginamit mo sa paggawa ng masama para maging sikat ka. Ito ang dahilan kung bakit ibinagsak kita sa lupa sa harap ng mga hari, upang magsilbing babala sa kanila.
18. Dahil sa napakarami mong kasalanan at pandaraya sa pangangalakal, dinungisan mo ang mga lugar kung saan ka sumasamba. Kaya sa harap ng mga nakatingin sa iyo, sinunog ko ang lugar mo at nasunog ka hanggang sa maging abo sa lupa.