Ezekiel 28:18-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

18. Dahil sa napakarami mong kasalanan at pandaraya sa pangangalakal, dinungisan mo ang mga lugar kung saan ka sumasamba. Kaya sa harap ng mga nakatingin sa iyo, sinunog ko ang lugar mo at nasunog ka hanggang sa maging abo sa lupa.

19. At ang lahat ng mga nakakakilala sa iyo ay nagulat sa sinapit mo. Nakakatakot ang naging wakas mo, at lubusan ka nang mawawala.”

20. Sinabi sa akin ng Panginoon,

21. “Anak ng tao, humarap ka sa Sidon at sabihin mo ito laban sa kanya.

22. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sidon, kalaban kita. Pupurihin ako ng mga tao sa oras na parusahan kita, at malalaman nila na ako ang Panginoon. Sa ganitong paraan malalaman mo kung gaano ako kabanal.

23. Padadalhan kita ng mga salot at dadanak ang dugo sa mga lansangan mo. Kabi-kabila ang sasalakay sa iyo, maraming mamamatay sa mga mamamayan mo. At malalaman nila na ako ang Panginoon.

24. “At mawawala na ang mga kalapit-bansa ng Israel na nangungutya sa kanila, na parang mga tinik na sumusugat sa kanilang damdamin. At malalaman nilang ako ang Panginoong Dios.”

25. Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Titipunin ko na ang mga mamamayan ng Israel mula sa mga bansang pinangalatan nila. Sa pamamagitan ng gagawin kong ito, maipapakita ko ang aking kabanalan sa mga bansa. Titira na sila sa sarili nilang lupain, ang lupaing ibinigay ko sa aking lingkod na si Jacob.

26. Ligtas silang maninirahan doon. Magtatayo sila ng mga bahay at magtatanim ng mga ubas. Wala nang manggugulo sa kanila kapag naparusahan ko na ang lahat ng kalapit nilang bansa na kumukutya sa kanila. At malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Dios.”

Ezekiel 28