Ezekiel 27:2-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

2. “Anak ng tao, managhoy ka para sa Tyre,

3. ang lungsod na daungan ng mga barko na sentro ng kalakalan ng mga taong nakatira malapit sa dagat. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: ‘Ipinagmamalaki mo Tyre, ang iyong kagandahan at sinasabi mong wala kang kapintasan.

4. Pinalawak mo ang nasasakupan mo sa karagatan. Talagang pinaganda ka ng mga nagtayo sa iyo.

5. Tulad ka ng isang malaking barko na gawa sa kahoy na abeto mula sa Senir. Ang palo moʼy yari sa kahoy na sedro mula sa Lebanon.

6. Ang mga sagwan moʼy yari sa kahoy na ensina mula sa Bashan. At ang sahig moʼy gawa sa mga kahoy na galing pa sa isla ng Cyprus na may disenyong gawa sa pangil ng elepante.

7. Ang layag moʼy gawa sa binurdahan na telang linen na mula pa sa Egipto at parang bandila kapag tiningnan. Ang iyong tolda ay kulay asul at ube na mula sa tabing-dagat ng Elisha.

8. Mga taga-Sidon at Arbad ang tagasagwan mo at ang mga bihasang tripulante ay nanggaling mismo sa sarili mong tauhan.

9. Ang mga bihasang karpintero na mula sa Gebal ang taga-ayos ng iyong mga sira. Pumupunta sa iyo ang mga tripulante ng ibang mga sasakyan at nakikipagkalakalan.

10. Ang mga sundalo mo ay mga taga-Persia, Lydia at Put. Isinasabit nila ang mga kalasag nila at helmet sa dingding mo na nagbibigay ng karangalan sa iyo.

11. Mga taga-Arbad at taga-Helek ang nagbabantay sa palibot ng iyong mga pader. At ang mga taga-Gammad ang nagbabantay ng iyong mga tore. Isinasabit nila ang kanilang mga kalasag at mga helmet sa dingding mo, at nagbibigay din ito ng karangalan sa iyo.

Ezekiel 27