16. “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang Syria dahil sa marami kang produkto. At ang ibinayad nila sa iyo ay batong turkois, telang kulay ube, telang linen, mga binurdahang tela, mga koral at batong rubi.
17. “ ‘Nakipagkalakalan din ang Juda at Israel at ang ibinayad nila sa iyo ay trigo mula sa Minit, igos, pulot, langis, at gamot na ipinapahid.
18. “ ‘Nakipagkalakalan din ang Damascus sa iyo dahil sa napakarami mong kayamanan at produkto. At ang ibinayad nila sa iyo ay alak mula sa Helbon at puting telang lana mula sa Zahar.
19. Nakipagkalakalan din ang mga taga-Dan at taga-Javan na mula sa Uzal at ang ibinayad nila sa iyo ay mga bakal at mga sangkap.
20. “ ‘Ang ibinayad naman sa iyo ng mga taga-Dedan ay mga telang panapin sa likuran ng mga sinasakyang hayop.
21. “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Arabia at lahat ng pinuno sa Kedar. At ang ibinayad nila sa iyo ay mga tupa at kambing.
22. “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga mangangalakal ng Sheba at Raama, at ang ibinayad nila sa iyo ay lahat ng klase ng pinakamainam na sangkap, mga mamahaling bato at ginto.
23. “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Heran, Cane, Eden at Sheba, maging ang mga mangangalakal ng Ashur at Kilmad.
24. At ang ibinayad nila sa iyo ay mga mamahaling damit, mga asul na tela, mga telang may burda at mga karpet na maayos ang pagkakatahi na may ibaʼt ibang kulay.
25. “ ‘Ang mga barko ng Tarshish ang nagdadala ng mga produkto mo. Tulad ka ng isang barkong punong-puno ng karga habang naglalakbay sa pusod ng karagatan.
26. Pero dadalhin ka ng mga tagasagwan mo sa gitna ng karagatan, at wawasakin ka ng malakas na hangin mula sa silangan.