Ezekiel 24:9-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. “Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: ‘Nakakaawa ang lungsod ng Jerusalem na ang mga mamamayan ay mamamatay-tao. Mag-iipon ako ng mga panggatong para sunugin sila.

10. Sige, dagdagan pa ninyo ang panggatong at sindihan. Pakuluan ninyo ang karne hanggang sa matuyo ang sabaw at masunog pati ang mga buto.

11. Pagkatapos, ipatong ninyo ang kalderong wala nang laman sa mga baga hanggang sa magbaga rin ito. At sa ganitong paraan, lilinis ang kaldero at masusunog pati ang mga kalawang.

12. Pero kahit ganito ang gawin mo, hindi pa rin maaalis ng apoy ang kalawang.’

13. “O Jerusalem, ang kahalayan mo ang dumungis sa iyo. Pinagsikapan kong linisin ka, ngunit ayaw mong magpalinis. Kaya mananatili kang marumi hanggaʼt hindi ko naibubuhos ang matinding galit ko sa iyo.

14. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing, dumating na ang panahon ng aking pagpaparusa at walang makapipigil sa akin. Hindi na kita kahahabagan at hindi na magbabago ang isip ko. Hahatulan kita ayon sa iyong pamumuhay at mga ginawa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

15. Sinabi sa akin ng Panginoon,

16. “Anak ng tao, kukunin kong bigla ang babaeng pinakamamahal mo. Ngunit huwag mo siyang ipagluluksa o iiyakan man.

17. Maaari kang magbuntong-hininga pero huwag mong ipapakita ang kalungkutan mo. Huwag mong alisin ang turban mo at sandalyas. Huwag mong tatakpan ang mukha mo para ipakitang nagluluksa ka. Huwag ka ring kumain ng pagkaing ibinibigay para sa namatayan.”

18. Kinaumagahan, sinabi ko ito sa mga tao, at kinagabihan din ay namatay ang asawa ko. Nang sumunod na umaga, sinunod ko ang iniutos sa akin ng Panginoon.

19. Tinanong ako ng mga tao, “Ano ang gusto mong sabihin sa ginagawa mong iyan?”

22. At gagawin ninyo ang ginawa ni Ezekiel. Hindi ninyo tatakpan ang inyong mukha at hindi kayo kakain ng pagkaing ibinibigay sa namatayan.

23. Hindi nʼyo rin aalisin ang mga turban ninyo at sandalyas. Hindi kayo magluluksa o iiyak man. Manghihina kayo dahil sa mga kasalanan ninyo at magsisidaing sa isaʼt isa.

24. Magiging halimbawa sa inyo si Ezekiel. Ang mga ginawa niya ay gagawin nʼyo rin. At kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ako ang Panginoong Dios.”

25. Sinabi pa ng Panginoon, “Anak ng tao, sa oras na gibain ko na ang templo na siyang kanilang kanlungan, ipinagmamalaki, kaligayahan at pinakamamahal, at kapag pinatay ko na ang kanilang mga anak,

26. may makakatakas mula sa Jerusalem na siyang magbabalita sa iyo ng mga pangyayari.

27. Sa araw na iyon, muli kang makakapagsalita at makakapag-usap kayong dalawa. Magiging babala ka sa mga tao, at malalaman nilang ako ang Panginoon.”

Ezekiel 24