Ezekiel 21:23-32 Ang Salita ng Dios (ASND)

23. Hindi makapaniwala ang mga taga-Jerusalem na mangyayari ito sa kanila dahil may kasunduan sila sa Babilonia. Pero ipapaalala ng hari ng Babilonia ang tungkol sa kasalanan nila at pagkatapos ay dadalhin silang bihag.

24. “Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Ang inyong kasalanan ay nahayag at ipinakita ninyo ang inyong pagiging rebelde at makasalanan. At dahil sa ginagawa ninyong ito, ipapabihag ko kayo.

25. “Ikaw na masama at makasalanang pinuno ng Israel, dumating na rin ang oras ng pagpaparusa sa iyo.

26. Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Alisin mo ang turban at korona mo dahil ngayon, magbabago na ang lahat. Ang mga hamak ay magiging makapangyarihan at ang mga makapangyarihan ay magiging hamak.

27. Wawasakin ko ang Jerusalem! Hindi ito maitatayong muli hanggang sa dumating ang pinili ko na maging hukom nito. Sa kanya ko ito ipagkakatiwala.

28. “At ikaw anak ng tao, sabihin mo sa mga taga-Ammon na humahamak sa mga taga-Israel na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito sa kanila: Ang espada ay handa nang pumatay. Pinakintab ko na ito at kumikislap na parang kidlat.

29. Hindi totoo ang pangitain nila tungkol sa espada. Ang totoo, handang-handa na ang espada sa pagputol ng leeg ng mga taong masama. Dumating na ang oras ng pagpaparusa sa kanila.

30. Ibabalik ko kaya ang espada sa lalagyan nito nang hindi ko kayo napaparusahan? Hindi! Parurusahan ko kayo sa sarili ninyong bansa, sa lugar na kung saan kayo ipinanganak.

31. Ibubuhos ko sa inyo ang matindi kong galit at ibibigay ko kayo sa malulupit na mga tao na bihasang pumatay.

32. Magiging panggatong kayo sa apoy, at ang inyong mga dugo ay mabubuhos sa inyong lupa at hindi na kayo maaalala pa. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ezekiel 21