Ezekiel 20:4-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. “Anak ng tao, hatulan mo sila. Ipamukha sa kanila ang mga kasuklam-suklam na bagay na ginawa ng mga ninuno nila.

5. Sabihin mo sa kanila na ito ang sinabi ng Panginoong Dios: Nang piliin ko ang Israel na lahi ni Jacob at ipakilala ang sarili ko sa kanila roon sa lupain ng Egipto, sumumpa ako sa kanila na ako ang Panginoon na magiging Dios nila.

6. Isinumpa ko sa kanila na palalayain ko sila sa Egipto at dadalhin sa lupaing pinili ko para sa kanila – isang maganda at masaganang lupain, ang lupaing pinakamaganda sa lahat.

7. Pagkatapos, sinabi ko sa kanila, ‘Itakwil na ninyo ang inyong mga dios-diosan, huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan ng Egipto, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios.’

8. “Pero nagrebelde sila at hindi nakinig sa akin. Hindi nila itinakwil ang kasuklam-suklam na dios-diosan ng Egipto. Kaya sinabi kong ibubuhos ko ang matinding galit ko sa kanila roon sa Egipto.

9. Ngunit hindi ko ito ginawa, dahil ayaw kong malagay sa kahihiyan ang pangalan ko sa mga bansa sa palibot na nakaalam na inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto.

10. Kaya pinalaya ko sila sa Egipto at dinala sa ilang.

11. At dooʼy ibinigay ko sa kanila ang mga utos at mga tuntunin ko na dapat nilang sundin para mabuhay sila.

12. Ipinatupad ko rin sa kanila ang Araw ng Pamamahinga bilang tanda ng aming kasunduan. Magpapaalala ito sa kanila na ako ang Panginoong pumili sa kanila na maging mga mamamayan ko.

13. “Pero nagrebelde pa rin sila sa akin doon sa ilang. Hindi nila sinunod ang mga utos ko at mga tuntunin, na kung susundin nila ay mabubuhay sila. At nilapastangan nila ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Kaya sinabi kong ibubuhos ko sa kanila ang galit ko at lilipulin ko sila sa ilang.

14. Ngunit hindi ko ito ginawa, dahil ayaw kong malagay sa kahihiyan ang pangalan ko sa mga bansa sa palibot na nakaalam na inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto.

15. Pero isinumpa ko sa kanila roon sa ilang na hindi ko sila dadalhin sa lupaing ibinigay ko sa kanila  – ang maganda at masaganang lupain, ang lupaing pinakamaganda sa lahat.

16. Dahil hindi nila sinunod ang mga utos koʼt mga tuntunin at nilapastangan nila ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Higit nilang pinahalagahan ang pagsamba sa mga dios-diosan nila.

17. “Ngunit sa kabila ng ginawa nila, kinaawaan ko sila at hindi nilipol doon sa ilang.

18. Sinabihan ko ang mga anak nila roon sa ilang, ‘Huwag ninyong tutularan ang mga tuntunin at pag-uugali ng inyong mga magulang at huwag ninyong dudungisan ang sarili ninyo sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan.

19. Ako ang Panginoon na inyong Dios. Sundin ninyong mabuti ang mga utos koʼt mga tuntunin.

20. Pahalagahan ninyo ang Araw ng Pamamahinga, dahil tanda ito ng kasunduan natin at nagpapaalala sa inyong ako ang Panginoon na inyong Dios.’

21. “Pero nagrebelde rin sa akin ang mga anak nila. Hindi nila sinunod ang mga utos ko at tuntunin, na kapag tinupad nilaʼy mabubuhay sila. At hindi nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Kaya sinabi kong ibubuhos ko ang matinding galit ko sa kanila roon sa ilang.

22. Ngunit hindi ko rin ito ginawa, dahil ayaw kong malagay sa kahihiyan ang pangalan ko sa mga bansa sa palibot na nakaalam na inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto.

Ezekiel 20