38. Ihihiwalay ko sa inyo ang mga naghimagsik sa akin. Kahit palabasin ko sila sa bansang bumihag sa kanila, hindi pa rin sila makakapasok sa lupain ng Israel. At malalaman ninyong ako nga ang Panginoon!”
39. Sinabi pa ng Panginoong Dios sa mga mamamayan ng Israel, “Sige, magpatuloy kayong maglingkod sa mga dios-diosan kung ayaw ninyong sumunod sa akin. Pero darating ang araw na hindi na ninyo malalapastangan ang pangalan ko sa pamamagitan ng paghahandog sa inyong mga dios-diosan ninyo.
40. Sapagkat doon sa banal kong bundok, sa mataas na bundok ng Israel, ang buong mamamayan ng Israel ay maglilingkod sa akin. Doon ko kayo tatanggapin at hihilingin na mag-alay kayo sa akin ng ibaʼt ibang handog at mabuting mga kaloob.
41. Kapag nakuha ko na kayo mula sa mga bansa kung saan kayo nangalat, tatanggapin ko na kayo katulad ng pagtanggap ko sa mabangong insenso na inihahandog sa akin. Ipapakita ko sa inyo ang kabanalan ko habang nakatingin ang ibang mga bansa.
42. At kapag nadala ko na kayo sa lupain ng Israel na ipinangako kong ibibigay sa inyong mga ninuno, malalaman ninyong ako ang Panginoon.
43. At doon ninyo maaalala ang mga ginawa ninyong nagparumi sa inyong mga sarili at kamumuhian ninyo ang mga sarili ninyo dahil sa lahat ng ginawa ninyong kasamaan.
44. O mga mamamayan ng Israel, malalaman ninyong ako ang Panginoon kapag pinakitunguhan ko kayo ng mabuti, sa kabila ng marumi at masama ninyong ginawa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
45. Sinabi sa akin ng Panginoon,
46. “Anak ng tao, humarap ka sa timog at magsalita ka laban sa mga lugar doon na may mga kagubatan.
47. Sabihin mo sa mga lugar na iyon na ako, ang Panginoong Dios, ang magpapaningas at susunog sa mga kagubatan, sariwa man ito o tuyo. Walang makakapatay sa nagliliyab na apoy at susunugin nito ang lahat mula sa hilaga hanggang sa timog.
48. At makikita ng lahat na ako, ang Panginoon, ang sumunog nito at hindi ito mapapatay.
49. “Pagkatapos ay sinabi ko, ‘O Panginoong Dios, sinasabi ng mga tao na nagsasalita lang daw ako ng mga talinghaga.’ ”