29. Tinanong ko sila, ‘Ano iyang matataas na lugar na pinupuntahan ninyo?’ ” Ang sagot nila, “Bama.” (Hanggang ngayon, Bama ang tawag sa matataas na lugar na iyon).
30. “Sabihin mo ngayon sa mga mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: Dudungisan din ba ninyo ang inyong sarili gaya ng ginawa ng inyong mga ninuno at sasamba rin ba kayo sa mga kasuklam-suklam na dios-diosan?
31. Ngayon nga ay dinudumihan ninyo ang inyong sarili sa pamamagitan ng paghahandog sa mga dios-diosan pati na ang paghahandog ninyo ng inyong mga anak na lalaki bilang handog na sinusunog. Kaya mga mamamayan ng Israel, ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay hindi magbibigay ng payo sa inyo kahit humingi kayo sa akin.
32. “Hinding-hindi mangyayari ang iniisip ninyo. Hindi kayo magiging katulad ng mga bansa na ang mga mamamayan ay sumasamba sa mga dios-diosang gawa sa bato at kahoy.
33. Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang pamumunuan ko kayo ng may kapangyarihan at poot.
34. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ko at poot, kukunin ko kayo mula sa mga bansang pinangalatan ninyo,
35. at dadalhin sa ilang na lugar ng mga bansa. At doon, haharapin ko kayo at hahatulan.
36. Kung hinatulan ko ang inyong mga ninuno sa ilang ng Egipto, hahatulan ko rin kayo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
37. Ibubukod ko ang masasama sa inyo at patitibayin ko ang kasunduan ko sa inyo.
38. Ihihiwalay ko sa inyo ang mga naghimagsik sa akin. Kahit palabasin ko sila sa bansang bumihag sa kanila, hindi pa rin sila makakapasok sa lupain ng Israel. At malalaman ninyong ako nga ang Panginoon!”
39. Sinabi pa ng Panginoong Dios sa mga mamamayan ng Israel, “Sige, magpatuloy kayong maglingkod sa mga dios-diosan kung ayaw ninyong sumunod sa akin. Pero darating ang araw na hindi na ninyo malalapastangan ang pangalan ko sa pamamagitan ng paghahandog sa inyong mga dios-diosan ninyo.