24. dahil hindi nila sinunod ang mga utos koʼt panuntunan at hindi nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Higit nilang pinahalagahan ang pagsamba sa mga dios-diosan ng kanilang mga magulang.
25. Pinabayaan ko silang sundin ang mga utos at mga tuntuning hindi mabuti at hindi makapagbibigay ng magandang buhay.
26. Pinabayaan ko silang dungisan ang mga sarili nila sa pamamagitan ng paghahandog sa mga dios-diosan pati na ang paghahandog ng kanilang mga panganay na lalaki. Pinayagan ko ito para mangilabot sila at malaman nilang ako ang Panginoon.
27. “Kaya anak ng tao, sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel, na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Ang inyong mga ninuno ay patuloy na lumapastangan at nagtakwil sa akin.
28. Sapagkat nang dalhin ko sila sa lupaing ipinangako ko sa kanila, nag-alay sila ng mga handog, mga insenso at mga inumin sa matataas na lugar at malalagong punongkahoy. Kaya nagalit ako sa kanila.
29. Tinanong ko sila, ‘Ano iyang matataas na lugar na pinupuntahan ninyo?’ ” Ang sagot nila, “Bama.” (Hanggang ngayon, Bama ang tawag sa matataas na lugar na iyon).
30. “Sabihin mo ngayon sa mga mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: Dudungisan din ba ninyo ang inyong sarili gaya ng ginawa ng inyong mga ninuno at sasamba rin ba kayo sa mga kasuklam-suklam na dios-diosan?
31. Ngayon nga ay dinudumihan ninyo ang inyong sarili sa pamamagitan ng paghahandog sa mga dios-diosan pati na ang paghahandog ninyo ng inyong mga anak na lalaki bilang handog na sinusunog. Kaya mga mamamayan ng Israel, ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay hindi magbibigay ng payo sa inyo kahit humingi kayo sa akin.
32. “Hinding-hindi mangyayari ang iniisip ninyo. Hindi kayo magiging katulad ng mga bansa na ang mga mamamayan ay sumasamba sa mga dios-diosang gawa sa bato at kahoy.
33. Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang pamumunuan ko kayo ng may kapangyarihan at poot.
34. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ko at poot, kukunin ko kayo mula sa mga bansang pinangalatan ninyo,
35. at dadalhin sa ilang na lugar ng mga bansa. At doon, haharapin ko kayo at hahatulan.
36. Kung hinatulan ko ang inyong mga ninuno sa ilang ng Egipto, hahatulan ko rin kayo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.