18. Pero ang kanyang ama ay mamamatay dahil mukha siyang pera, magnanakaw at gumagawa ng masama sa kanyang mga kababayan.
19. “Pero maaaring itanong ninyo kung bakit hindi dapat parusahan ang anak dahil sa kasalanan ng kanyang ama. Kung ang anak ay matuwid, gumagawa ng tama at sinusunod ang mga tuntunin ko, patuloy siyang mabubuhay.
20. Ang taong nagkasala ang siyang dapat mamatay. Hindi dapat parusahan ang anak dahil sa kasalanan ng kanyang ama at ang ama naman ay hindi dapat parusahan dahil sa kasalanan ng kanyang anak. Ang taong matuwid ay gagantimpalaan sa ginawa niyang kabutihan at ang taong masama ay parurusahan dahil sa ginawa niyang kasamaan.
21. “Ngunit kung ang taong masama ay magsisi sa lahat ng kasalanan niya at sumunod sa aking mga tuntunin at gumawa ng matuwid at tama, hindi siya mamamatay kundi patuloy na mabubuhay.
22. Hindi na siya mananagot sa lahat ng nagawa niyang kasalanan at dahil sa ginawa niyang matuwid, patuloy siyang mabubuhay.
23. Ako, ang Panginoong Dios ay hindi natutuwa kapag namamatay ang masama. Masaya ako kapag nagsisi siya at patuloy na mabuhay.
24. “Pero kung ang taong matuwid ay tumigil sa paggawa ng matuwid, nagpakasama at gumawa pa ng kasuklam-suklam gaya ng ginagawa ng mga taong masama, patuloy pa rin kaya siyang mabubuhay? Siyempre hindi! Kalilimutan na ang mga ginawa niyang matuwid. At dahil sa pagtataksil niya sa akin at sa mga ginawa niyang kasalanan, mamamatay siya.
25. “Pero baka naman sabihin ninyo, ‘Hindi tama ang ginagawa ng Panginoon.’ Makinig kayo, kayong mga mamamayan ng Israel! Ang ginagawa ko ba ang hindi tama o ang ginagawa ninyo ang hindi tama?
26. Kapag ang taong matuwid ay tumigil sa paggawa ng matuwid at magpakasama, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan.
27. Pero kung ang taong masama ay tumigil sa paggawa ng masama at gumawa ng matuwid at tama, maililigtas niya ang buhay niya.