Ezekiel 18:1-8 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Sinabi sa akin ng Panginoon,

2. “Ano ang ibig ninyong sabihin sa kasabihang ito sa Israel, ‘Ang mga magulang ay kumain ng maasim na ubas at ang asim nitoʼy matitikman pati ng kanilang mga anak?’

3. “Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi nʼyo na babanggitin ang kasabihang ito sa Israel.

4. Makinig kayo! Akin ang lahat ng may buhay, maging ang buhay ng mga magulang o buhay ng mga anak. Ang taong nagkasala ang siyang mamamatay.

5. Halimbawa, may isang taong matuwid na ginagawa kung ano ang tama.

6. Hindi siya sumasamba sa mga dios-diosan ng Israel o kumakain ng mga inihandog sa mga dios-diosang ito sa mga sambahan sa mga bundok. Hindi siya sumisiping sa asawa ng iba o sa babaeng may buwanang dalaw.

7. Hindi siya nang-aapi at ibinabalik niya ang mga isinangla ng mga nangungutang sa kanya. Hindi siya nagnanakaw, pinapakain niya ang mga nagugutom at binibigyan ng damit ang mga walang damit.

8. Hindi siya nagpapatubo kapag nagpapahiram ng pera. Hindi rin siya gumagawa ng masama at wala siyang kinakampihan sa kanyang paghatol.

Ezekiel 18