7. “Pero may isa pang malaking agilang dumating Malapad din ang mga pakpak at malago ang balahibo. Ang mga ugat at sanga ng halamang iyon ay gumapang papunta sa agila upang mabigyan ito ng mas maraming tubig kaysa sa lupang tinubuan nito.
8. Ginawa ito ng halaman kahit na nakatanim ito sa matabang lupa na sagana sa tubig para tumubo, mamunga at maging maganda.
9. “Ngayon, ako, ang Panginoong Dios, ay magtatanong: Patuloy ba itong tutubo? Hindi! Bubunutin ito at kukunin ang mga bunga at pababayaang malanta. Napakadali nitong bunutin, hindi na kinakailangan ng lakas o maraming tao para bunutin ito.
10. Kahit na itanim itong muli sa ibang lugar hindi na ito tutubo? Tuluyan na itong malalanta kapag nahipan na ng mainit na hangin mula sa silangan.”
11. Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon,
12. “Tanungin mo ang mga mapagrebeldeng mamamayan ng Israel kung alam nila ang kahulugan ng talinghagang ito. Sabihin mo na ito ang kahulugan: Pumunta ang hari ng Babilonia sa Jerusalem at binihag ang hari nito at ang mga tagapamahala, at dinala sa Babilonia.
13. Kinuha niya ang isa sa mga anak ng hari ng Juda at gumawa sila ng kasunduan, pinasumpa niya ang anak ng hari na maglilingkod sa kanya. Binihag din niya ang mga marangal na tao ng Juda,
14. upang hindi na makabangong muli ang kahariang ito at hindi na makalaban sa kanya. Ang kahariang ito ay mananatili kung ipagpapatuloy niya ang kanyang kasunduan sa Babilonia.
15. Pero nagrebelde ang hari ng Juda sa hari ng Babilonia. Nagpadala ng mga tao sa Egipto ang hari ng Juda para humingi ng mga kabayo at sundalo. Pero magtatagumpay kaya siya? Makakatakas kaya siyaʼt makakaligtas sa parusa dahil sa pagsira niya sa kasunduan sa Babilonia?
16. Hindi! Sapagkat ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpa na ang hari ng Juda ay siguradong mamamatay sa Babilonia dahil sinira niya ang sinumpaang kasunduan sa hari nito na nagluklok sa kanya sa trono.
17. Hindi siya matutulungan ng Faraon sa digmaan, pati na ang napakarami at makapangyarihang sundalo nito kapag sumalakay na ang mga taga-Babilonia para puksain ang maraming buhay.