5. Walang nagmalasakit sa iyo para gawin ang mga bagay na ito. Walang sinumang naawa sa iyo. Sa halip, itinapon ka sa kapatagan at isinumpa mula nang araw na isinilang ka.
6. “Pero nang mapadaan ako, nakita kitang kumakawag-kawag sa sarili mong dugo at sinabi ko sa iyong mabubuhay ka.
7. Pinalaki kita tulad ng isang tanim sa bukirin. Lumaki ka at naging dalaga. Lumaki ang dibdib mo at lumago ang iyong buhok, pero hubad ka pa rin.
8. “Nang muli akong mapadaan, nakita kong ganap ka nang dalaga. Kaya tinakpan ko ng aking balabal ang kahubaran mo at ipinangakong ikaw ay aking mamahalin. Gumawa ako ng kasunduan sa iyo, at ikaw ay naging akin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
9. “Pinaliguan kita at nilinis ang mga dugo sa katawan mo at pinahiran din kita ng langis.
10. Pagkatapos, dinamitan kita ng mamahaling damit na pinong linen, seda na may magagandang burda at pinagsuot ng sandalyas na balat.
11. Binigyan kita ng mga alahas: mga pulseras at kwintas.
12. Binigyan din kita ng singsing para sa ilong, hikaw at korona.
13. Pinalamutian kita ng pilak at ginto, dinamitan ng burdadong seda at ang pagkain moʼy mula sa magandang klaseng harina, pulot at langis ng olibo. Napakaganda mo, para kang reyna.
14. Naging tanyag ka sa mga bansa dahil sa labis mong kagandahan, at sa karangyaang ibinigay ko sa iyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
15. “Pero, nagtiwala ka sa iyong kagandahan at ginamit mo ang iyong katanyagan. Tulad ng isang babaeng bayaran, ipinagamit mo ang sarili mo sa kung kani-kaninong lalaki at nagpakasasa sila sa iyo.
16. Ginamit mo ang iba mong damit para pagandahin ang mga sambahan sa matataas na lugar at dooʼy ipinagamit mo ang iyong sarili sa mga lalaki. Hindi ito dapat nangyari.
17. Ginamit mo rin ang mga pilak at gintong alahas na ibinigay ko sa iyo sa paggawa ng mga lalaking dios-diosan na sinamba mo. Kaya para ka na ring nangalunya.