Ezekiel 16:49-63 Ang Salita ng Dios (ASND)

49. Ang kasalanan ng kapatid mong Sodom ay pagmamataas. Siya at ang mga anak niyang babae ay sagana sa pagkain at maunlad ang buhay, pero hindi sila tumulong sa mahihirap at mga nangangailangan.

50. Sa pagmamataas nila, gumawa sila ng kasuklam-suklam sa paningin ko, kaya pinarusahan ko sila katulad nga ng nakita mo.

51. “Kahit ang Samaria ay hindi nakagawa ng kalahati man lang ng mga kasalanan mo.

52. Dapat kang mahiya dahil mas marami kang ginawang kasuklam-suklam kaysa sa mga kapatid mong babae, kaya lumabas pang mas matuwid sila kaysa sa iyo.

53. Pero darating ang araw na muli kong pauunlarin ang Sodom at Samaria, pati na ang mga anak nilang babae. At ikaw ay muli kong pauunlarin kasama nila,

54. para mapahiya ka sa lahat ng ginawa mo, dahil nagmukha pa silang matuwid kaysa sa iyo.

55. Oo, muli kong pauunlarin ang mga kapatid mong babae – ang Sodom at Samaria, ganoon din ang mga anak nilang babae. Ito rin ang mangyayari sa iyo at sa mga anak mong babae.

56. Nilait mo noon ang Sodom noong ikaw ay nagmamataas pa

57. at hindi pa nabubunyag ang iyong kasamaan. Pero ngayon, katulad ka na rin niya. Nilalait ka na rin ng mga taga-Edom at ng mga bansa sa palibot niya, pati na ng mga Filisteo. Kinukutya ka ng mga nakapalibot sa iyo.

58. Dadanasin mo ang parusa dahil sa iyong kahalayan at kasuklam-suklam na gawain. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

59. Ito pa ang sinabi ng Panginoong Dios. “Parurusahan kita nang nararapat, dahil binalewala mo ang iyong pangako sa pamamagitan ng pagsira sa kasunduan natin.

60. Pero tutuparin ko pa rin ang kasunduang ginawa ko sa iyo noong kabataan mo pa at gagawa ako sa iyo ng kasunduan na walang hanggan.

61. Sa gayon, maaalala mo ang mga ginawa mo at mapapahiya ka, lalo na kung gagawin ko ang iyong mga kapatid na babae, ang Samaria at Sodom, na iyong mga anak, kahit na hindi sila kasama sa kasunduan natin.

62. Patitibayin ko ang kasunduan ko sa iyo, at malalaman mong ako ang Panginoon.

63. Maaalala mo ang mga kasalanan mo at mahihiya ka, lalo na kapag pinatawad ko na ang lahat ng ginawa mo, hindi ka na makakapagsalita dahil sa sobrang kahihiyan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ezekiel 16