Ezekiel 16:41-55 Ang Salita ng Dios (ASND)

41. Susunugin nila ang bahay mo at parurusahan ka nila sa harap ng maraming babae. Ipapatigil ko ang pagpapagamit mo at ang pagbabayad mo sa iyong mga mangingibig.

42. Sa gayon, mapapawi na ang matinding galit ko sa iyo at ang aking panibugho. Hindi na ako magagalit sa iyo.

43. “Kinalimutan mo kung papaano kita inalagaan noong kabataan mo pa. Sa halip, ginalit mo ako sa iyong mga ginawa, kaya paparusahan kita ayon sa iyong mga gawa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. Hindi baʼt sa dami ng mga kasuklam-suklam mong ginawa, nagawa mo pang dagdagan ito ng kalaswaan?

44. “Tingnan mo, may mga taong nagsabi ng kasabihang ito sa iyo: ‘Kung ano ang ina, ganoon din ang anak.’

45. Talagang pareho kayo ng iyong ina na nagtakwil ng kanyang asawaʼt mga anak. Ang ina mo ay isang Heteo at ang ama mo ay isang Amoreo.

46. Ang nakatatanda mong kapatid na babae ay ang Samaria sa hilaga kasama ang mga anak niyang babae at ang nakababata mong kapatid na babae ay ang Sodom sa timog pati na ang mga anak niyang babae.

47. Sinunod mo ang mga pag-uugali at kasuklam-suklam na gawain nila. At sa loob lang ng maikling panahon ay mas masama pa ang ginawa mo kaysa sa kanila.

48. Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay nagsasabi na ang kapatid mong Sodom at ang mga anak niyang babae ay hindi gumawa ng tulad ng ginawa mo at ng mga anak mong babae.

49. Ang kasalanan ng kapatid mong Sodom ay pagmamataas. Siya at ang mga anak niyang babae ay sagana sa pagkain at maunlad ang buhay, pero hindi sila tumulong sa mahihirap at mga nangangailangan.

50. Sa pagmamataas nila, gumawa sila ng kasuklam-suklam sa paningin ko, kaya pinarusahan ko sila katulad nga ng nakita mo.

51. “Kahit ang Samaria ay hindi nakagawa ng kalahati man lang ng mga kasalanan mo.

52. Dapat kang mahiya dahil mas marami kang ginawang kasuklam-suklam kaysa sa mga kapatid mong babae, kaya lumabas pang mas matuwid sila kaysa sa iyo.

53. Pero darating ang araw na muli kong pauunlarin ang Sodom at Samaria, pati na ang mga anak nilang babae. At ikaw ay muli kong pauunlarin kasama nila,

54. para mapahiya ka sa lahat ng ginawa mo, dahil nagmukha pa silang matuwid kaysa sa iyo.

55. Oo, muli kong pauunlarin ang mga kapatid mong babae – ang Sodom at Samaria, ganoon din ang mga anak nilang babae. Ito rin ang mangyayari sa iyo at sa mga anak mong babae.

Ezekiel 16