Ezekiel 16:26-40 Ang Salita ng Dios (ASND)

26. Nagpagamit ka sa mga taga-Egiptong kalapit-bansa mong malibog. Ginalit mo ako sa pamamagitan ng patuloy mong pagpapagamit.

27. Kaya pinarusahan kita at pinaliit ang nasasakupan mo. Ipinasakop kita sa mga kaaway mong Filisteo. Kahit sila ay nagulat sa iyong kahalayan.

28. “At hindi ka pa nakontento, nagpagamit ka rin sa mga taga-Asiria. Pero pagkatapos, hindi ka pa rin nasiyahan.

29. Lalo pang tumindi ang iyong pagnanasa at nangalunya ka pa sa Babilonia na lugar ng mga mangangalakal, pero hindi ka pa rin nasiyahan.

30. “Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing kay dali mong mahikayat! Para kang babaeng bayaran na walang kahihiyan!

31. Nagtayo ka ng mga sambahan para sa mga dios-diosan sa mga kanto ng lansangan at mga plasa. Mas masahol ka pa kaysa sa babaeng bayaran dahil hindi ka nagpapabayad sa mga gumagamit sa iyo.

32. Isa kang babaeng mangangalunya! Mas gusto mo pang sumiping sa iba kaysa sa asawa mo!

33. Tumatanggap ng bayad ang mga babaeng bayaran, pero ikaw, ikaw pa ang nagbibigay ng mga regalo sa mga mangingibig mo para suhulan silang makipagtalik sa iyo.

34. Kabaligtaran ka ng mga babaeng bayaran! Walang nagyayaya sa iyo para sumiping; ikaw pa ang nagyayaya. Hindi ka na nagpapabayad, ikaw pa ang nagbabayad. Kakaiba ka talaga!

35. “Kaya ikaw babaeng bayaran, pakinggan mo ang sasabihin ko!

36. Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Ipinakita mo ang iyong kahalayan at kahubaran sa mga mangingibig mo at sa mga kasuklam-suklam mong dios-diosan. Pinatay mo ang mga anak mo at inihandog sa kanila.

37. Dahil sa ginawa mong ito, titipunin ko ang mga mangingibig na pinasasaya mo, ang mga minahal at kahit ang mga kinainisan mo. Titipunin ko sila para kalabanin ka at huhubaran kita sa harap nila para makita nila ang kahubaran mo.

38. Paparusahan kita dahil sa pangangalunya mo at pagpatay. At dahil sa tindi ng galit ko at panibugho, papatayin kita.

39. Ibibigay kita sa mga naging mangingibig mo at gigibain nila ang mga sambahang itinayo mo para sa iyong mga dios-diosan. Huhubaran ka nila at kukunin ang naggagandahan mong alahas, at iiwan ka nilang hubad.

40. Dadalhin ka nila sa mga taong babato at tatadtad sa iyo sa pamamagitan ng kanilang espada.

Ezekiel 16