Ezekiel 13:11-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. Sabihin mo sa mga nagtapal na mawawasak ang pader na ito, dahil darating ang malakas na bagyo at uulan ng yelong kasing tigas ng bato na wawasak sa pader na ito.

12. At kapag nawasak na ito, magtatanong ang mga tao sa kanila, ‘Ano ang naitulong ng itinapal ninyo?’

13. “Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sa tindi ng galit ko, wawasakin ko ang pader sa pamamagitan ng malakas na bagyo, pag-ulan ng yelo na kasing tigas ng bato, at malakas na ulan.

14. Oo, wawasakin ko ang pader na tinapalan ninyo ng apog at putik. Wawasakin ko ito hanggang sa lumabas ang pundasyon nito. At kapag nawasak na ito, babagsakan kayo at mamamatay. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.

15. Ipadarama ko ang galit ko sa pader at sa mga nagtapal dito. At ipamamalita ko na wala na ang pader at ang mga nagtapal nito,

16. na walang iba kundi ang mga propeta ng Israel na humula na magiging maayos ang kalagayan ng Jerusalem, pero kasinungalingan naman. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

17. “Ngayon naman, anak ng tao, magsalita ka laban sa mga babaeng nanghuhula mula sa sarili nilang isipan.

18. Sabihin mo sa kanilang ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: Nakakaawa kayo, kayong mga babaeng bumibiktima sa mga mamamayan ko, maging mga bata o matatanda sa pamamagitan ng mga anting-anting ninyo. Nilalagyan ninyo sila ng mga anting-anting na pulseras sa kanilang kamay at belo sa mga ulo. Binibiktima ninyo ang mga mamamayan ko para sa pansarili ninyong kapakinabangan.

19. Nilalapastangan ninyo ako sa harap ng mga mamamayan ko para lang sa kaunting sebada at ilang tinapay. Sa pamamagitan ng pagsisinungaling ay sinasabi ninyong mamamatay ang hindi dapat mamatay at hindi mamamatay ang dapat mamatay. At naniniwala naman ang mga mamamayan ko sa kasinungalingan ninyo.

20. “Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing: Labis akong nagagalit sa mga anting-anting na ginagamit ninyo para biktimahin ang mga tao na parang mga ibong nahuli sa bitag. Hahablutin ko ang mga anting-anting ninyo sa kamay at palalayain ko ang mga taong hinuli ninyo na parang ibon.

Ezekiel 13