Ezekiel 12:8-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. Kinaumagahan, sinabi sa akin ng Panginoon,

9. “Anak ng tao, ngayon, ang mga rebeldeng mamamayan ng Israel ay magtatanong tungkol sa ginawa mo,

10. sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios ay may ipinapasabi sa mga namamahala ng Jerusalem at sa lahat ng mamamayan ng Israel.

11. Sabihin mo sa kanila na ang ginawa mo ay isang babala para sa kanila na sila ay mabibihag.

12. Kahit ang pinuno nilaʼy papasanin ang sarili niyang dala-dalahan at aalis nang gabi. Dadaan siya sa butas ng dingding na ginawa para sa kanya. Magtatakip siya ng mukha para hindi niya makita ang lupain.

13. Pero huhulihin ko siya na parang hayop at dadalhin sa Babilonia sa lupain ng mga Caldeo. Pero hindi niya ito makikita, at doon siya mamamatay.

14. Pangangalatin ko sa lahat ng dako ang mga tauhan niya, mga lingkod at mga hukbo. At kahit nasaan sila, ipapapatay ko sila.

15. At kapag naipangalat ko na sila sa mga bansa, malalaman nilang ako ang Panginoon.

16. Pero pahihintulutan ko na may makaligtas sa kanila sa digmaan, sa gutom at sa sakit para sabihin nila sa mga bansa ang mga kasuklam-suklam na ginawa nila at malalaman nilang ako ang Panginoon.”

17. Sinabi sa akin ng Panginoon,

18. “Anak ng tao, manginig ka sa takot habang kumakain ka at umiinom.

19. Sabihin mo sa mga mamamayan ng Jerusalem at sa lahat ng taga-Israel na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi na maguguluhan sila at manginginig sa takot habang kumakain at umiinom, dahil sasamsamin ang mga ari-arian ng bansa nila dahil sa kanilang kalupitan.

20. Wawasakin ang mga bayan nila at magiging mapanglaw ito. At malalaman nilang ako ang Panginoon.”

21. Sinabing muli ng Panginoon sa akin,

22. “Anak ng tao, ano itong kasabihan sa Israel na, ‘Lumilipas ang panahon pero hindi natutupad ang mga propesiya?’

23. Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay magpapatigil sa kasabihang ito at hindi na muling sasabihin pa sa Israel. Sabihin mo rin sa kanilang malapit nang matupad ang mga propesiya.

Ezekiel 12