16. Pero pahihintulutan ko na may makaligtas sa kanila sa digmaan, sa gutom at sa sakit para sabihin nila sa mga bansa ang mga kasuklam-suklam na ginawa nila at malalaman nilang ako ang Panginoon.”
17. Sinabi sa akin ng Panginoon,
18. “Anak ng tao, manginig ka sa takot habang kumakain ka at umiinom.
19. Sabihin mo sa mga mamamayan ng Jerusalem at sa lahat ng taga-Israel na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi na maguguluhan sila at manginginig sa takot habang kumakain at umiinom, dahil sasamsamin ang mga ari-arian ng bansa nila dahil sa kanilang kalupitan.
20. Wawasakin ang mga bayan nila at magiging mapanglaw ito. At malalaman nilang ako ang Panginoon.”
21. Sinabing muli ng Panginoon sa akin,
22. “Anak ng tao, ano itong kasabihan sa Israel na, ‘Lumilipas ang panahon pero hindi natutupad ang mga propesiya?’