1. Sinabi sa akin ng Panginoon,
2. “Anak ng tao, naninirahan kang kasama ng mga rebeldeng mamamayan. May mga mata sila pero hindi nakakakita, may mga tainga pero hindi nakakarinig, dahil sila ay mga rebelde.
3. Kaya anak ng tao, maghanda ka ng mga gamit mo at magkunwaring binibihag ka. Pumunta ka sa ibang lugar, gawin mo ito sa araw para makita ka nila. Baka sakaling sa pamamagitan nito, maunawaan nila ang kanilang mga pagsuway.
4. Samantalang maliwanag pa, ihanda mo ang mga dadalhin mo para makita ng mga tao. Pagsapit ng gabi, habang nakatingin sila, lumakad kang parang isang bihag.
5. Butasan mo ang dingding ng iyong bahay at doon ilabas ang iyong mga dala-dalahan.
6. Habang nakatingin sila, pasanin mo ang mga dala-dalahan moʼt lumakad ka sa gabi. Takpan mo ang iyong mukha para hindi makita ang lupain na iyong iiwan. Ang gagawin mong ito ay magiging babala sa mga mamamayan ng Israel.”
7. Kaya sinunod ko ang utos ng Panginoon. Maaga kong inihanda ang mga dadalhin ko at pagsapit ng gabi ay binutasan ko ang dingding ng bahay ko. At habang nanonood sila, pinasan ko ang mga dala ko at lumakad.
8. Kinaumagahan, sinabi sa akin ng Panginoon,
9. “Anak ng tao, ngayon, ang mga rebeldeng mamamayan ng Israel ay magtatanong tungkol sa ginawa mo,
10. sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios ay may ipinapasabi sa mga namamahala ng Jerusalem at sa lahat ng mamamayan ng Israel.
11. Sabihin mo sa kanila na ang ginawa mo ay isang babala para sa kanila na sila ay mabibihag.
12. Kahit ang pinuno nilaʼy papasanin ang sarili niyang dala-dalahan at aalis nang gabi. Dadaan siya sa butas ng dingding na ginawa para sa kanya. Magtatakip siya ng mukha para hindi niya makita ang lupain.
13. Pero huhulihin ko siya na parang hayop at dadalhin sa Babilonia sa lupain ng mga Caldeo. Pero hindi niya ito makikita, at doon siya mamamatay.