1. Pagkatapos, dinala ako ng Espiritu sa templo ng Panginoon, sa may pintuan na nakaharap sa silangan. May 25 tao roon, dalawa sa kanila ay sina Jaazania na anak ni Azur at Pelatia na anak ni Benaya na mga tagapamahala ng mga tao.
2. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, sila ang mga taong nagpaplano at nagpapayo ng masama sa lungsod na ito.
3. Sinasabi nila, ‘Hindi baʼt malapit na ang panahon para magtayo ng mga bahay? Ang lungsod natin ay katulad ng kaldero at tayo naman ay parang mga karne sa loob na hindi masusunog ng apoy.’
4. Kaya anak ng tao, magsalita ka laban sa kanila.”
5. Pagkatapos, nilukuban ako ng Espiritu ng Panginoon at inutusang sabihin ito: “Ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo mga mamamayan ng Israel: Alam ko kung ano ang sinasabi at iniisip ninyo.
6. Marami kayong pinatay sa lungsod na ito at nagkalat ang mga bangkay sa lansangan.
7. Kaya ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito sa inyo: Ang lungsod na ito ay natulad sa kaldero, at ang mga bangkay na inyong kinalat sa lungsod ay ang nagsilbing karne. At kayo naman ay papalayasin ko sa lungsod na ito.
8. Natatakot kayo sa digmaan pero ipapalasap ko ito sa inyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
9. Palalayasin ko kayo sa lungsod na ito at ipapabihag sa mga dayuhan at uudyukan ko silang parusahan kayo.
10. Mamamatay kayo sa digmaan at hahatulan ko kayo hanggang sa mga hangganan ng Israel at malalaman ninyong ako ang Panginoon.
11. Ang lungsod na itoʼy hindi magiging tulad ng kaldero para sa inyo, at kayoʼy hindi magiging tulad ng karne sa loob nito. Sapagkat hahatulan ko kayo hanggang sa hangganan ng Israel.
12. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon. Gagawin ko ito dahil hindi ninyo sinunod ang mga utos at tuntunin ko. Sa halip, sinunod ninyo ang tuntunin ng ibang bansa sa palibot ninyo.”