Ezekiel 10:5-13 Ang Salita ng Dios (ASND)

5. Ang pagaspas ng pakpak ng mga kerubin ay naririnig hanggang sa bakuran sa labas tulad ng tinig ng makapangyarihang Dios.

6. Nang utusan ng Panginoon ang taong nakadamit ng telang linen na kumuha ng baga sa gitna ng mga gulong sa ilalim ng mga kerubin, pumasok siya sa templo at tumayo sa tabi ng gulong.

7. Pagkatapos, isa sa mga kerubin ang kumuha ng baga sa apoy at inilagay sa kamay ng taong nakadamit ng telang linen. Dinala ito ng tao at lumabas.

8. Ang bawat kerubin ay parang may mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang pakpak.

9. May nakita akong apat na gulong sa gilid ng apat na kerubin. Kumikislap na parang mamahalin na batong krisolito

10. at magkakamukha ang mga ito. Bawat gulong ay pinagkrus, na ang isa ay nasa loob ng isa pang gulong,

11. kaya ito at ang mga kerubin ay maaaring pumunta kahit saang direksyon nang hindi kailangang bumaling pa.

12. Ang buong katawan ng kerubin, ang likod, ang kamay at mga pakpak ay puno ng mata at ganoon din ang mga gulong.

13. At narinig kong ang mga gulong na itoʼy tinatawag na, “Umiikot na gulong.”

Ezekiel 10